Monday, July 24, 2006

seryoso ka ba?

"Kung ako lang ang nag-iisip ng ganu'n,
puwede kong ipagpalagay na napa-paranoid lang ako
pero sila na ang nagsasabi kaya mas lalo akong nasasaktan."

Tuesday, July 18, 2006

kandila



Liwanag mo ang nagbigay-kulay
Tinuruan mong magnilay
Ang isip at pusong pasaway.
Ang init mo ang nagbigay-buhay
Sa damdaming nakahimlay
at kaluluwang hahapay-hapay.
Kandila ng aking buhay
huwag ka sanang tumamlay.

Tuesday, July 11, 2006

nagbabalik

Na-miss ko ang blogosphere kaya heto, hopefully tuluy-tuloy na ulit ang update ko. Marami ang nangyari sa mga nakaraang araw. Nakakapagod. Ayaw ko nang balikan. Yung iba nakaka-stress, emotionally at mentally, pero tapos na 'yun. Bothered lang talaga ako lately na hanggang sa panaginip nadadala ko. Kainis. Hindi ako maka-focus. Ito ang epekto ng sobrang pag-iisip.
Anyway, umalis na ang Tita Aida ko pa-Jordan. Hindi man lang ako nakapunta sa despedida party niya noong Linggo. Dinaan ko na lang sa text message. Sana maging maayos ang kalagayan niya roon. Actually, na-move lang naman ang departure niya, suppossed to be noong last week of June pa siya aalis pero namatay ang lola ko. Ayun!

Sunday, July 02, 2006

keyk para sa inyo

Salamat sa mga bumisita, pasensiya na kayo dahil itong keyk lang ang maihahanda ko. Hindi kasi inaasahang NAGKASAKIT ang birthday boy simula pa noong Miyerkules ng gabi at on-going pa rin ang treatment hanggang Lunes.
Kumuha na kayo at hahatiran ko na lang kayo ng inumin sa inyu-inyong mga tahanan.

Friday, June 23, 2006

one week na lang



Isang linggo na lang, kaarawan na ng aking si Ponks. Magli-limang taon na siya at kasalukuyang nasa Preparatory level. Nakakatuwa, kasi matured siya sa kanyang edad at minsan nagugulat na lang kami ni Jo sa mga sinasabi niya o sagot niya.
One time, tinanong ko kung ano'ng subject siya binigyan ng star ng kanyang titser. Ang sabi niya sa akin, sa Math.
Tinanong ko ulit siya kung ano'ng ginawa nila at nabigyan siya ng star, ang sabi niya, tinanong sila ni Teacher Girlie na, What is addition?
Sabi ko, ano'ng isinagot mo?
Walang kagatul-gatol na sinagot ni Ponks na, Addition is putting together 2 or more numbers.
Dahil nagulat ako sa sagot niya, pinaulit ko at inulit niya naman...walang labis, walang kulang.
Nakakatuwa talaga na mabilis siyang matuto, 'yun nga lang dahil bata hindi maiiwasan ang tantrums niya. At dahil bata pa rin ang edad niya, hinahayaan ko rin na ma-enjoy niya ang childhood niya.

Sunday, June 18, 2006

sa aking kabiyak

Get Gifs at BestCodez.com


Salamat sa iyong oras na hindi ko matumbasan.
Salamat sa pang-unawa sa aking mga pagkukulang.
Salamat sa pasensiya sa katigasan ng aking ulo.
Salamat sa pagtitiis na ako ang iyong kasama.
Salamat sa pagkalinga sa akin at kay Ponks.
Salamat sa iyong pagsasakripisyo at pagmamahal.


Get Gifs at BestCodez.com

HAPPY FATHER'S DAY!

Saturday, June 17, 2006

kambal ba? (part 2)

Nahirapan ako dito, marami pa sana akong mailalagay pero hindi na kinaya ng powers ko. Eto na lang muna. Magkamukha ba?



Pia Guanio Lucy Liu


Angel Locsin Glaiza de Castro


Faith Cuneta Jan Marini

Saturday, June 10, 2006

peng you

Sa tulong ni Wendy narito na ang music video ng Peng You.

Friday, June 09, 2006

maligayang pagbati

Anibersaryo sa kasal ng aking ama't ina ngayon.
Aking napagtanto, marami na rin silang pinagdaanan sa mga lumipas na panahon. Naroong naghiwalay sila nang halos apat na taon, pitong taon pa lamang ako noon, pero kasabay ng pagtatapos ko ng elementarya, nagbunga ng isang anak na lalaki ang kanilang pagbabalikan. Sabi nila, suwerte raw sa pamilya ang tatlong babae at isang lalaki ang anak.
Pero ngayon, para pa rin silang aso't pusa. Hindi sila compatible pero nakakatagal sila sa isa't isa. Kapag napagkukuwentuhan na namin silang magkakapatid, natatawa na lang kami at napapailing. Nasanay na kami sa kanilang kilos, gawi at kanya-kanyang paniniwala na madalas magkataliwas pero napag-uugnay pa rin sa bandang dulo.
At least, nakakatuwa pa ring isipin na nagdiriwang pa sila ng kanilang ika-27 taon ng pag-iisang dibdib. Happy Anniversary!

Sunday, June 04, 2006

awit ng pagkakaibigan

Una pa lang itong kinanta ng PBB Teens Grand Winner na si Kim in Chinese version, nagustuhan ko na agad. Lalo kong naibigan noong naisalin ito sa Tagalog. At finally, may TagChi version na siya ka-duet ang MYMP. Narito ang kabuuan ng titik ng naturang awitin.
.
Sa lahat ng luha
Lagi kang may kasama
Sa gitna ng ulan,
karamay mo ako kaibigan.
.
Sa tatahakin mong daan
'di kita iiwan
Di kana mag-iisa,
kaibigan.
.
Chorus:
peng you yi shen yi chi zou
Na xie ri zhi bu zhai you
Ating pagkakaibigan
'di magbabago kailanman.
.
Peng you bu cheng gu tan gou
Yi shen peng you, ni hui dong
Kahit na magkalayo,
nandito ka sa ‘king puso.
.
Coda:
Ichiwa, i pei chu
Kaibigan kahit kailan.

Tuesday, May 30, 2006

kambal ba?

Wala lang akong magawa kaya heto, napaglaruan ng mapaglaro kong isip at paningin ang magkakahawig na larawang ito. Sa tingin n'yo tama ba ako na magkamukha sila?


Sen. Gringo Honasan Taylor Hicks of AI


Mura of MTB Joseph Bitangcol of SCQ


Alvien Cano of G. Pilipinas Ely Buendia of Pupil

Marami pa sana pero ito na lang muna kasi hirap maghanap ng pics. Mga girls naman next.
(Paalala: Wala po akong intensiyon na makapanakit sa post na ito, likha lamang ito ng mapanuri kong paningin. Anyway, lahat naman sila ay sumikat at nakilala sa kani-kanilang larangan. Yun lang.)

Thursday, May 25, 2006

pasukan na!

Ang bilis ng panahon, parang kailan lang nagsimula ang bakasyon pero hindi na lalagpas ang isang linggo, tapos na ang buwan ng Mayo at simula na naman ng pasukan.
Mahihirapan na naman akong mag-adjust lalo na sa traffic. Tuwa ko lang pag hindi na ako nahuli sa pagpasok sa office. Buti nga ngayong buwan, hindi ako masyadong nale-late kaya ineenjoy ko pa ang time card ko. Baka itong Hunyo, maging red card na ito, waaaaah, huwag naman sana.

***
Matatapos na ang bakasyon pero hindi man lang ako nakauwi sa probinsiya, balak ko nga ngayong Sabado - eksakto, piyesta pa naman sa amin. Matutuwa siguro sina Amama at Inana na makita ang paborito nilang apo, si Gina, este si Karen pala (nyehehehe).
Balita ko rin na magre-reunion ang batch namin nu'ng high school, kaya gusto ko ring makauwi. Marami na akong na-miss. Sana matuloy ako sa Sabado, kahit isang araw lang magandang alaala na ito sa 'kin.

***
Si Taylor Hicks ang nanalo sa American Idol laban kay Katherine McPhee. Napansin n'yo ba? May hawig si Taylor kay Gringo Honasan lalo na't gray-haired pa ang 29-anyos na winner. Hehehe, kaya pala hindi maare-aresto ng awtoridad si Gringo, busy sa pagkanta.

Sunday, May 21, 2006

tatlong eba sa everest

Pagkatapos ang matagumpay na pag-akyat nina Leo Oracion, Pastour Emata at Romy Garduce sa Mt. Everest, tatangkain naman itong akyatin ng tatlong kababaihang mountaineers.
Ayon sa ulat, unity climb ang target nina Janet Belarmino, Carina Dayondon at Noelle Wenceslao, pawang draftees ng Philippine Coast Guard at miyembro ng First Philippine Mt. Everest Expedition team.
Tumulak na sila sa Alaska kung saan sisimulan ang training sa Mt. McKinley, pinakamalamig na bundok sa mundo. Magtatagal nang isang buwan ang kanilang training sa nasabing lugar bago tuluyang sumabak sa Mt. Everest.
Nawa'y magtagumpay din ang tatlong kababaihang ito sa kanilang layunin na ipakita ang lakas ng kababaihan!

Wednesday, May 17, 2006

biyaheng everest

Nabasa ko, as of press time, na malapit nang mailagay ni Heracleo "Leo" Oracion ang bandila ng Pilipinas sa summit ng Mt. Everest. Inaasahan na ngayong hapon ng Miyerkules, nasa ituktok na ito ng pinakamataas (8,848 meters o 29,028 foot) na bundok sa buong mundo. Kasunod ni Oracion si Erwin "Pastor" Emata na sinasabing patungo na sa Camp 4 mula sa Camp 3 at inaasahan namang makarating sa peak bukas (Huwebes). Si Romi Garduce naman ang pumapangatlo sa nasabing ekspedisyon.
Wish ko lang na magtagumpay ang Pinoy sa kanilang layunin sa pag-akyat sa Mt. Everest, isa itong karangalan ng ating bansa.

Sunday, May 14, 2006

awit kay inay

Aking Ina,
Mahal kong Ina.
Pagmamahal mo aking Ina,
Yakap mo sa akin, hinahanap ko.
Init ng pag-ibig, kumot ng bunso.
Sa gitna ng pagkakahimbing,
Yakap mo ang gigising.


(Hiniram ko kay Remi: Nobody's Girl)

Sunday, May 07, 2006

ano ang gagawin mo?



Tipikal na nakikita natin sa mga pelikula ang ganitong mga eksena, ang bida, pilit kumakawala sa kumunoy pero lalo siyang kinakain nito, ika nga sa Ingles, "the more you struggle to get out of it, the more it eat you up."

Pero alam n'yo ba kung paano makawawala sa kumunoy? Simple lang. Ayon sa mga eksperto, dapat na manatiling relax ang taong nahulog sa kumunoy, dahil ang quicksand (kumunoy) ay hindi buhay o nangangain ng tao tulad ng ating tipikal na nalalaman ukol dito. Binubuo ito ng mixture ng buhangin at tubig, wala itong kakayahang mahawakan ang bigat ng tao kaya ang tendency ay lumubog ang tao lalo na kung masyado itong magalaw dahil nagpa-panic.

Payo ng ekperto, kung sakaling mahulog ka sa kumunoy, subukan mong huwag gumalaw dahil kusang magpo-float ang katawan mo at maaari ka nang makatungo sa safe na lugar para makaahon nang maayos.

Para rin itong problema, pag nag-panic ka, hindi ka makakapag-isip nang maayos, lalo ka lamang kakainin ng problema mo, pero kung relaxed ka lang, makaiisip ka nang solusyon sa problema mo? Kuha mo?

Bakit ko naisulat ito? Wala lang, ini-a-apply ko lang ngayon sa sarili ko. Yun lang. Good day sa inyong lahat! Salamat nga pala kay J at C unang nag-comment nung picture pa lang ang naka-post.

Friday, May 05, 2006

hay buhay!

Patungo na naman ang buhay ko sa dapit-hapon. Kinapos na ako ng diskarte, lahat na yata ng paraan nagawa ko na kaya tatanggapin ko na lamang ang hirap at pagkatalo sa pakikipaglaban. Unti-unti ko nang isinusuko ang prinsipyo na huwag hayaang magpagupo sa problema, pero may kaunti pang lakas na sumisipa at nagbibigay pag-asa kaya naman, eto at isusugal ko na.
Pero napagtanto ko, sa panahon pala na akala mo wala ka nang masasandigan, may nakaalalay pa rin sa iyo. Kaya naman natuwa ako sa isang pangyayari na bagamat alam kong hindi makapagbibigay agad ng solusyon sa aking hinaharap, makatutulong naman ito sa susunod na pakikibaka sa buhay. Kaya heto, tuloy ako sa pakikipaglaban kahit mahirap ang consequence na kaakibat nito.


oOo

At dahil balisa ako at hindi maganda ang mood ngayong linggong ito, may nangyaring hindi inaasahan sa isang pampublikong lugar.

Nakasakay ako sa bus (sa 3 seater sa tabi ng aisle ako pumuwesto kasi hippie-look ang lalaki na nasa tabi ng bintana.) Dahil pre-occupied ang lola n'yo, hindi ko alintana ang biyahe. May sumakay na babae at uupo sa tabi ko, since ayoko nga sa gitna, nag-give-way ako sa kanya. Pumasok ang babae at nagpatuloy ang aming biyahe.
Bumaba ang babae sa Tandang Sora, windang pa rin ang lola ninyo sa kaiisip ng kung anek-anek habang patuloy ang pagsakay ng mga pasahero sa bus. Isang babaeng matangkad sa akin (dahil petite ako), may kulay ang buhok, nakasuot ng mini skirt, may dalang bag at dalawang medium plastic bag na hindi naman puno ng laman ang nakatayo sa aking harapan.
Ang ginawa ko, nag-give-way ulit ako para makapasok siya at makaupo sa gitna. Hindi naman siya kumibo at sa halip ito ang ginawa sa inyong lola:
(pasigaw, mas malakas pa sa ingay ng makina ng bus)
.
Babae: Nakita mo na ngang nahihirapan ako, hindi ka pa umusog!
.
Ayoko siyang patulan dahil ayaw ko ng eskandalo at dagdag isipin, umusog na lang ako sa gitna. Pero tila demonyo yata siya na nang-aasar. Pabalagbag na umupo ang babae, ang kanyang balikat at bag, naka-overlap sa aking kanang braso, medyo natabig ko pa ang lalaking hippie dahil sa lakas ng impact nang umupo ang babae.
.
Hindi ko na napigilan ang sariling magkomento:
.
Ako: Sorry ha, hindi ko alam na hindi ka marunong mag-excuse.
Babae: Ang arte mo!
.
Tumahimik na lamang ako at pinigil ang sarili. Maari naman siyang umupo nang maayos dahil sa liit kong ito at hindi naman kalakihan ang hippie, kasya kaming tatlo at siguradong komportableng makakaupo ang babae. Ngunit ang klase ng kanyang pagkakaupo, pa-sideway at ang hita niya nakalabas sa may bahagi ng pintuan ng bus. Nakikita ko sa gilid ng aking mata na paismid siyang tumitingin at parang nag-uusal ng kung ano. Nararamdaman ko rin ang bakal sa style ng kanyang bag na nakadiin sa aking kanang braso pero dinedma ko na lang. Hanggang sa pumara ang babae. Hindi sinasadya na ang bakal ng kanyang bag ay sumabit sa manggas ng uniporme ko at sa halip na mag-sorry ang babae, eto ang ginawa niya.
.
Babae: Nananadya ka ba? Ang arte mo talaga.
.
Patawarin ako ni Lord, pero hindi ko na kinaya ang ginagawa sa aking panliliit.
.
Ako: Kung hindi ka sanay sumakay ng bus, mag-taxi ka!
Babae: Hindi ka maganda noh!
Ako: Bakit? Maganda ka? Feeling mo, FEELING mo lang 'yun! Mukha kang hita.
.
Natawa ang ilang pasahero. Bumaba ang babae na inis na inis. Ang sabi naman sa akin ng lalaking katabi ko, sana hindi ko na lang daw pinatulan. Ang katwiran ko, mabuti na 'yung ipinamumukha sa isang tao kung ano talaga siya para matauhan at sa susunod alam na niya kung paano makikitungo sa kapwa tao niya.
.
Sa totoo lang, hindi ko akalain na nagawa ko yun sa isang pampublikong lugar. Hindi rin ako pinatulog ng pangyayari dahil alam kong may pagkakamali rin ako sa pagpatol sa babaeng yun.

Monday, May 01, 2006

labor day

Ngayon ang Araw ng Paggawa pero heto ako sa opisina nakikibaka para sa pang-araw-araw na kabuhayan. Impit ang sigaw ng nakabusal na bibig...nakakubli pa rin ang nag-aalsang damdamin. Dinaraan na lamang sa bawat tipa ng daliri sa keyboard ang silakbo ng pagnanais ng maalwang pamumuhay.
Kung iisipin, hindi ako nag-iisa, lahat naman yata ng abang manggagawa ganito ang nadarama, ke nasa Pinas ka o nasa ibang bansa. Tanging baon sa bulsa, sipag, tiyaga, pasensiya at sandamakmak na pag-asa na makaaahon din sa dusa at makakamit ang katarungan sa tamang paggawa.
At dahil tatak na ng Pinoy ang pagiging matiisin, ang lahat ay talagang kakayanin nating bakahin anuman at gaano mang hirap ang sapitin. Kaya bilang pampalakas ng loob, narito't umaalingawngaw mula sa aking puso - Mabuhay ang manggagawang Pinoy!

Saturday, April 29, 2006

TAGay ni Flex J

Rules:

List of seven songs you are into right now. No matter what the genre. Whether or not they have words or even if they're any good, they must be the songs you enjoy right now. Post this instructions in your blog along with your 7 songs then tag 7 people and see what they are listening to.

1) How You Remind Me - Nickelback

It's not like you to say sorry
I was waiting on a different story.
This time I'm mistaken for handing
you a heart worth breakin,
and I've been wrong, I've been down
into the bottom of every bottle.
This five words in my head
scream, are we having fun yet?

2) Under the Bridge - Red Hot Chili Pepper

And I don't wanna feel like I did that day
take me to the place I love, take me all the way

3) Firewoman - Hungry Young Poets

I wanna be your firewoman
I wanna put down your desire.
Cause I know this love is a killer,
I wanna put out your fire.

4) Minsan - Eraserheads

Ngunit ngayon, tayo ay nilimot ng kahapon
Di na, mapipilitang, buhayin ang ating pinagsamahan.
At kung sakaling gipitin ay laging iisipin na
minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.

5) Adia - Sarah McLachlan

Cause we are born, innocent
Believe me, Adia
we are still, innocent
It's easy, we all falter
does it matter?

6) Half-Life - Duncan Sheik

Maybe, i need to see the daylight
to leave behind this half-life
don't you see I'm breakin down
Oh, lately, something here
don't feel right
is this just a half-life
is there really no escape
no escape from time
of any kind?

7) Mad World - Tears for Fears

And I find it kinda funny
I find it kinda sad
The dreams of which I'm dying
are the best I've ever had
I find it hard to tell you
I find it hard to take.
When people run in circles
it's a very, very mad world

Tuesday, April 25, 2006

mag-resign na kaya ako?

Dahil super pressured sa work
at laging beating the deadline ang drama,
eto ang office table ko.
.
.
Naku, pasencya na, hindi ko na kayo maaasikaso
hindi na ako makatayo sa rami ng trabaho ko.
.
.
Waahh, ayoko namang dumating
sa ganitong punto ang buhay ko
dahil sa sobrang pagmamahal sa trabaho.
.
.
Kawawa tuloy ang alaga kong aso,
dahil hindi ko na maasikaso
ang laki ng kanyang ipinagbago.
.

Friday, April 21, 2006

ikaw

Kay lambong ng langit
Habang pinupunit ng mga lagaslas
ng ulan ang katahimikan,
sinasalimbayan naman ito
ng pagdaloy ng tubig
mula sa matang hapo na sa pagtangis.

Hanggang mula sa kung saan
sa hindi inaasahang pangyayari,
sa gitna ng kalungkutan,
ika'y nagmistulang araw
na nagbigay liwanag
at tumuyo sa tubig ng pighati.

Pinahid ang aking pangamba,
ang lahat ng agam-agaw ay iwinaksi.
Higit sa anupaman,
tinuruan mong buhayin
ang damdaming matagal
nang nakahimlay sa kadiliman.

Ngayong kasama ka, 'di sana kumupas ang liwanag.
Dumating ka man tulad ng rumaragasang tubig,
sana'y manatili ang pagdaloy mo sa aking pagkatao.
Upang magpunan sa uhaw na madarama,
magbigay-lakas tuwing may sakuna
at buhay sa nanghihinang pag-asa!

Tuesday, April 04, 2006

tatalima ka ba?


Mahal na Araw na.
Ano na ang iyong nagawa?
Sinimulan mo na ba ang pagtitika
o kahit na konting penitensiya,
para maibsan lamang ang hirap
na dinaranas NIYA
upang tayo ay maisalba
sa kasalanang ating nagawa?
Halika tulungan natin SIYA
buhatin ang sariling krus
at lumayo sa pagkakasala.
Nasa pananalig
ang ating kaligtasan
ay SIYA ang tanging daan.

Wednesday, March 29, 2006

anibersaryo



hindi ko mawari ang nadarama
simbolo ng araw na ito ang pag-iisa
limang taon ng lungkot at saya
magkasama pa rin sa hirap at ginhawa.

Tuesday, March 21, 2006

dubai

Galing po ito sa blog ni marhgil
  • kukote in a jar. Isa itong forwarded e-mail sa kanya. Nagpasya akong ipost ito rito matapos hingin ang kanyang pahintulot para makatulong sa mga kababayan nating naghahanap ng trabaho sa abroad, partikular sa Dubai (tulad ng kaanak ko na nabiktima) at para na rin sa kaalaman ng lahat.

    Isa ako sa mga libo libong Pinoy na nagtatrabaho dito sa Dubai. Tama si Kasamang M*ke Ch*nco sa mga sinabi niya tungkol sa sitwasyon ng mga kababayan natin dito, partikular ang mga "Visit Visa".
  • Ayon sa ulat ng pahayagan dito "Gulf News", mahigit isang daang Pinoy Visit Visa holder ang dumarating dito sa Dubai araw araw. Sila yung mga napaniwala at naloko ng mga recruiters at mga kaibigan o di kaya ay mga kamag-anak na makakakuha sila ng trabaho dito sa Dubai ng madalian. Yun ay isang malaking KASINUNGALINGAN. Marami akong nakilala na nasuong sa ganoong sitwasyon. Nagbenta at nagsangla ng ari-arian, umutang ng patubuan dahil pinaasa sila at pinaniwala na ganoon kadali ang lahat. Di nila alam, lalo silang nalubog at nabaon sa utang.

    Marami pa rin tayong kababayan ang nasa KISH, parte ng Iran kung saan duon nagtutungo ang mga Visit Visa holder kapag ang 2 months visa nila ay expired na. Marami sa kanila ang umabot na ng ilang buwan doon sa kahihintay na mabigyang muli ng panibagong visa. Madali sana, kaya lang paano kung wala ka nang pangbili ng visa. May mga ilang Pinoy na rin ang nasiraan ng bait at mayroon na ring nagpakamatay dahil sa kabiguang dinanas.

    Lubhang napakahirap makakuha ng trabaho dito dahil libo libong Visit Visa holder ang nag-aagawan sa ilang pwestong nakalathala sa mga pahayagan. Hindi lang kasi Pinoy ang kalaban mo, nandiyan ang mga Indians, Chinese, Sri Lankan at marami pang iba. At halos lahat ng employers ay naghahanap ng "Gulf Experience", so ano ng laban mo kung baguhan ka lang dito. "Dubai is not the same Dubai that we used to know", yan ang litanya naming mga Pinoy na matagal na dito. Napakalaki kasi ng pinagbago. Halos imposible ng mabuhay ang pangkaraniwang empleyado, dahil sa taas ng Cost of Living. Lahat ay nagtaas ng presyo, samantalang ang sweldo ay walang pinagbago.

    Marami akong kaibigan at kamag-anak ang nais pumunta at sumubok dito, pero lagi kong sinasabi sa kanila kung ano ang tunay na mayroon ang Dubai. Hindi sa ayaw ko silang tulungan, gusto ko lang malaman nila ang totoo. Kaya kayo po diyan na nais o nagbabalak pumunta dito, nasasa-inyo po ang desisyon, ang sa akin po ay paalala lamang.

    Tandaan po ninyo, Dubai is a good Tourist destination, not a JOB destination.

    Mabuhay po tayong lahat.

    Tuesday, March 14, 2006

    tinamaan

    pabagu-bago kasi ang panahon kaya ito, parang kulog ang ubo ko. tsk. sa lagay pa naman ng buhay ngayon talagang bawal magkasakit.
    isipin mo, P20.25 ang isang tableta nu'ng gamot ko. ba't pa ba ko magrereklamo, eh, kulangot pa ito sa P177 kada tabletang gamot ng mister ko? eto pang nakakatawa dahil sa pag-aakala kong P1.77 ang isang tableta, pito agad ang inorder ko sa sales assistant ng Mercury, good for one week. nagulat ako sa bill nang umabot ito mahigit sa P1,500, saka ko lang na-realize na
    P177 nga pala at hindi piso at pitumpu't pitong sentimo ang halaga ng binili kong gamot.
    ayun kaya bawal talagang magkasakit, kasi hindi lang katawan mo ang magrereklamo pati lahat ng bulsa at lalagyan ng sisilyong meron ka.

    Wednesday, March 08, 2006

    pagtatapos

    ilang linggo na lang, hindi ko lubos maisip na magtatapos na si ponks sa kinder 1.
    nakakatuwa, dahil sa batang edad ng aking munting anghel, tatanggap na siya ng diploma at naka-toga pa!
    kung hindi ako nagkakamali, anim na taon ako nang tumanggap ng diploma sa kinder. nagkapalit pa nga kami ng kaklase ko ng picture na naka-toga dahil magkahawig kami at magkapangalan pa. haay, yan ang mga alaala ko mula sa St. Joseph's College.
    iniisip ko lang kung kasama siya sa bibigyan ng special award o 'di kaya magtatapos nang may karangalan. (demanding ba ang ina? heheheh)
    anyway, maganda naman ang performance niya sa eskuwelahan lagi siyang kasama sa top - mula top 7 noong 1st grading; top 5 noong 2nd; top 4 nitong 3rd grading - hindi ko pa alam ngayon kung aangat pa siya sa top 3 ngayon dahil sorpresa daw ito at sa araw ng graduation na lamang malalaman.
    ang daddy naman niya, nag-aalala, baka raw mamanipula ang grading (haha, worried din si daddy). sabi ko naman okey lang kung anong makuha ng anak mo, as long as alam naman natin ang kakayahan niya, 'di ba?
    kinakabahan din lang naman ako kaya naisulat ko ito at parang excited na rin para sa darating na Marso 18.
    abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

    Tuesday, March 07, 2006

    anong dapat gawin?

    may kamag-anak akong nagoyo sa Dubai. ang sabi ng agency dito sa Pinas, may trabaho raw naghihintay sa kanya roon, pero wala nga. kaya ang siste, bumalik siya dito sa Pinas.
    may apat pa siyang kasama na nasa Dubai pa rin dahil walang pera pamasahe pauwi.
    naisip ko kawawa naman. balak yata niyang mag-reklamo, hindi ko pa siya nakausap nang matino.
    nagtanung-tanong ako tungkol sa proseso sa Dubai. ang sabi nga, open country ito at tourist visa yata ang madaling makuha para maka-fly dito. according sa ibang nakapag-work na sa Dubai, ganu'n daw talaga, ikaw mismo ang maghahanap ng trabaho within 2 months. diskarte na lang yata.
    ang kaso, lumalabas kasing siniguro nung agency ng kamag-anak namin na may trabaho siya pagdating ng Dubai, pero wala nga. hindi ba malinaw na isa itong panloloko?
    sa palagay mo, ano ang dapat niyang gawin?

    Friday, March 03, 2006

    samu't sari

    Kapag nanalo ako sa lotto
    bubuuin ko ulit ang bandang Eraserheads!
    Kaso di ako tumataya sa lotto.
    Tsk..tsk...tsk.

    ***
    Iniladlad na ni Rustom ang tunay niyang kulay!
    Sa wakas, MALAYA na ang veklus.

    ***
    Binawi na ni PGMA ang Proc 1017
    Ang tanong, eh, matahimik pa kaya ang bansa?

    ***
    Hinintay ko ang DEBATE sa Channel 7 kagabi.
    Nandoon kasi si CHIZ Escudero.
    Syet ang sarap ng tulog ko.

    ***
    Napansin ko lang, sino kaya ka-text ni CHIZ.
    Aba, kapag hindi nakatutok ang camera
    laging nakatungo at kinakalikot ang cellphone.
    Ano kaya cell number niya?
    Hehehe. Wala lang.

    ***
    Minsan ay hindi mo na alam
    ang nangyayari kahit na anong gawin
    lahat ng bagay ay mayroong hangganan.

    ***

    Friday, February 24, 2006

    batas militar?

    Idineklara ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang STATE OF EMERGENCY makaraang kumalas ng suporta sa chain of command ang ilang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
    Dumagsa ang mga tangke sa AFP at nagdagdag ng puwersang panseguridad sa Malacañang.
    Sinupil din ng Pangulo ang lahat ng kilos-protesta kung kaya ang mga programa para sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng Edsa revolution ay nakansela - kahit na ang pagsasagawa ng misa sa People Power Monument na pangungunahan sana ni Bishop Yñiguez ay hindi rin pinahintulutan.
    Ikinagalit ito ng iba't ibang grupo lalo na ang mga kritiko ng pamahalaang Arroyo. Binatikos ng grupo ni dating Vice President Teofisto Guingona, kasama ng grupong Bayan ang idineklarang state of emergency. Gayunman, mapayapa rin nilang nilisan ang Edsa Shrine makaraang makipaggirian sa kapulisan.
    Unang nasampulan ng warrantless arrest sina Professor Randy David, Atty. Argee Guevarra ng Sanlakas at isa pa nilang kasama nang magtangkang tumulak ang grupo nila sa bahagi ng Edsa-Santolan.
    Limitado na rin ang galaw ng media, ayon sa mamamahayag sa loob ng Palasyo. Hindi sila basta-basta nakakukuha ng impormasyon at hindi rin sila maaring magpalabuy-laboy sa loob ng Malacañang.
    Nakatatakot ang naturang hakbang...indikasyon ba ito ng deklarasyon ng Batas Militar?
    Huwag naman sana, dahil kung magkagayunman, mas mabuti pang natabunan na rin ako ng lupa sa Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte kaysa masupil ang aking KALAYAAN.

    Friday, February 17, 2006

    kalunus-lunos

    Isa pang trahedya ang naganap ngayong Biyernes na kumitil sa buhay ng daang Pinoy sa St. Bernard, Southern Leyte. Hanggang ngayon, hindi pa naiaahon ang karamihan sa mga biktima na nabaon nang buhay dahil sa landslide.
    Abala ang ilang pamilya sa kanilang pananghalian habang mayroon ding nagdiriwang ng kaarawan at may ginaganap na awarding ceremony ang samahan ng kababaihan sa nasabing lugar at mas nakalulungkot dito, maraming mag-aaral ang nasa eskuwelahan nang maganap ang trahedya at kasama sila sa natabunan ng lupa.

    ***
    Gumanti na naman ang kalikasan, dahil maraming Pinoy ang matitigas ang ulo at tila hindi natuto sa nagdaang Ormoc tragedy noong 1991 kung saan libu-libong taga-Leyte rin ang nalibing nang buhay.

    ***
    Tsk...tsk...tsk... talagang isang malaking sorpresa ang kamatayan!
    Kaya dapat laging handa. Amen.

    Thursday, February 16, 2006

    kainis

    hindi ko maitago ang galit ko
    hindi napigil ang pagsulak ng dugo
    hindi lang minsang ginawa sa akin ito
    hindi ko na nga mabilang ang panggagago
    bakit ba may mga taong ganito?
    pasalamat siya mabait pa rin ako
    na 'di pumapatol sa ipokrito
    sagot ko na lang para sa'yo
    hintayin mo ang karma mo!
    (hay salamat! lumuwag na ang pakiramdam ko)

    Saturday, February 04, 2006

    trahedya ng masa

    Isang napakalaking trahedya na dulot ng kahirapan ang naganap ngayong umaga. Ginulantang ang bansa ng balita hinggil sa pagkasawi ng mahigit sa 70 katao - karamiha'y matatanda at bata at mahigit sa 200 katao ang naipit matapos magkaroon ng stampede sa Ultra.

    Bakit sila naroon? Ngayong Sabado ang unang anibersaryo ng Wowowee, isang noontime show sa Channel 2 na nagbibigay ng saya at suwerte sa mga Pilipino. Karamihan sa natutulungan ng nasabing show ang mga kababayan nating lubos na nangangailangan. Bukod sa mga sponsor ng naturang show na nagbibigay ng papremyo, tumutulong din ang ilan nating kababayang OFW na nanonood ng nasabing programa sa pamamagitan ng pag-aambag ng kanilang konting makakaya para maipandagdag sa premyong ipagkakaloob sa mga kontestant o maging sa mga simpleng manonood lamang.
    Dahil sa forte ng naturang show, marami sa ating mga kababayan ang nagbabakasakaling suwertehin at dahil na rin sa kahirapan ng buhay kaya marami sa ating kababayan ang nagtitiyaga sa pagpila makapasok lamang o maging kabahagi sa nasabing programa.
    Balitang mamimigay ng isang milyong piso ang Wowowee bukod pa ang mga minor prices na maaaring makuha ng mga kontestant at manonood bilang pasasalamat na rin sa pagtangkilik sa kanilang programa ngunit sa isang iglap, naglaho ang tuwa at suwerte dahil napalitan ito ng hinagpis.

    Ano ang nangyari?
    Ilan sa mga kababayan natin ay matamang naghintay sa labas ng Ultra. Mayroong Biyernes pa lamang ng gabi ay naroon na, lalo na yaong galing pa sa mga probinsiya.
    Ayon sa ilang saksi, nagkagulo sa pila ang mga tao at nakipag-unahan ang ilan kaya nagkaroon ng tulakan hanggang sa maipit sa gate ng Philsports arena.
    Ayon naman sa iba, mayroong sumigaw na may bomba kaya nag-panic ang mga nakapila.
    Ang iba naman ay nagko-complain dahil sa proseso ng pagbibigay ng ticket habang isinisisi naman ng iba sa mga guwardiya na nagbabantay sa ultra dahil sa pagmamatigas na buksan ang gate.

    Anu't ano man ang dahilan, nakalulungkot na trahedya ang naging resulta.

    Marahil may pagkukulang ang organizer ng show, pero may responsibilidad din ang mga taong nagtungo roon. Karamihan sa mga ito'y matatanda o mga magulang na may bitbit pang mga bata, bagay na dapat iwasan, pero may mga taong matitigas ang ulo.
    Pero ang mas mahalaga, huwag na tayong magsisihan dahil TRAHEDYA ang naganap at walang sinuman ang may kagustuhan nito. Kilala TAYONG mga Pinoy sa bayanihan at sana'y makita natin ito sa ganitong sitwasyon.
    Magsilbi na lamang sanang aral sa lahat ang nangyari at mamulat na rin sana ang mga GANID na OPISYAL ng GOBYERNO na nagkakamal ng LIMPAK-LIMPAK na SALAPI samantalang nagkukumahog naman ang mga MARALITA para magkaroon ng KAUNTING PANTAWID GUTOM sa araw-araw.

    Tuesday, January 31, 2006

    reaksiyon

    AKO ang iyong SAKRIPISYO.

    Thursday, January 26, 2006

    nakakatawa pero totoo

    Hindi ko alam kung katangahang matatawag ito. Natatawa na lang ako sa sarili ko kapag naiisip ko ang nangyari kaninang umaga.
    Naka-office uniform na ako at habang nasa kuwarto, siniguro ko munang wala akong naiwang appliance na naka-switch at nang matiyak kong okey na lumabas ako at ini-lock ang pintuan ng silid.
    Nanlumo na lang ako nang ma-realize na nasa loob pala ng cabinet ang bag ko. O my gulay! Hindi ko na mabubuksan ang pinto dahil nasa loob ng bag ko ang susi at lahat ng mga importanteng bagay na lagi kong dala sa araw-araw.
    Buti na lang nasa baba ng bahay ang cellphone ko at suklay, mas lalo kong ipinagpasalamat na nailagay ko sa bulsa ang sukli sa binili kong tinapay sa agahan kaya may pamasahe naman ako.
    Ang masaklap, nabasa ako ng ulan kasi nasa bag ko rin ang aking payong at nagkukubli din ako ngayon sa isang sulok ng opisina dahil wala akong ID.
    Ayun, hay buhay!

    Monday, January 16, 2006

    Naramdaman mo na ba 2?

    MASAYA ako pero HINDI.

    Kung hindi ka masaya para sa akin, malabo nga.
    Pero kung matatanggap mo, Salamat.
    Maraming salamat! Kumpleto na ang kaligayahan ko.

    Wala lang.

    Tuesday, January 10, 2006

    Viva Nazareno!


    Kahapon ang Kapistahan ng Itim na Nazareno, hindi naman ako deboto, pero hindi naman siguro kailangan na maging deboto ka para lamang mamanata.
    Sa totoo lang, simula nang lumipat kami ng bahay sa Kyusi mula sa Paquita St., Lerma, madalang na akong nakapagsimba sa Quiapo. Pero natatandaan ko pa na sa nasabing basilica kami nagsisimba ng aking mga magulang.
    Kagabi, humabol kami sa misa, kasama ko mga kasamahan ko sa trabaho, sina Tawe, Jen at Chi. Bago pa man kami nakarating sa simbahan, nilakad na namin mula sa Isetann kasi sarado pa ang kalsada. Halfway, sumakay na rin si Chi, pauwi kasi nakapagmisa na siya nu'ng umaga.
    Umabot naman kaming tatlo sa sermon ng pari pero sa rami ng taong narooroon sa labas lang ng simbahan kami nakapuwesto. Gayunman, pilit kaming nakipagsiksikan para makapasok sa loob ng basilica, hindi pa kasi bumabalik ang prusisyon. Nang makapasok sa loob, doon ko napagtanto na marami na pala ang bago sa nasabing simbahan. Gold-plated na ang altar at puro ilaw, hindi na tulad noon na medyo payak at simple lamang ang altar.
    Siksikan man, okey lang. Wala naman sigurong maglalakas-loob na gumawa ng kalokohan habang taimtim na nagdarasal ang mga tao. May matandang babae na nasa likuran namin na nakapangingilabot ang tinig habang inaawit ang Ama Namin, pakiramdam ko tuloy nasa life in the spirit seminar ako, masyadong masidhi ang kanyang pag-awit sa mala-sopranong boses (hehehe). Pero in fairness, nakatulong siya sa pagdarasal ko kasi feel na feel niya kaya feel na feel ko na rin.
    Hindi rin kami napako sa puwesto namin dahil pinilit naming makapunta sa aisle at nagawa naman namin ni Weng dahil sinundan namin ang isang padre de pamilya na karay-karay ang kanyang dalawang tsikiting at si esmi kaya ayun, nakapuwesto kami si gitna habang naiwan si jen sa exit at du'n na lang namin siya susunduin pagkatapos.
    Eksaktong papasok na ang prusisyon kaya nakisiksik pa kami at pinatindi ang hawak sa bakal dahil nagtutulakan na ang mga pipol. Tinarayan pa nga kami nu'ng isang babae na katabi namin dahil singit daw kami ng singit. Nginitian na lang namin, mahirap na, wala sa tamang lugar kung papatulan namin siya (hehehe). Dedma na lang kahit halu-halo na ang amoy, nakisigaw ng Viva Nazareno, nakiawit, nakihawak sa panyo at larawan ng Nazareno. Masaya ang pakiramdam ko habang ginagawa ko 'yun. Yung iba namang nakita ko umiiyak, bata man o matanda. Meron namang kumakanta, yung iba naman walang puknat sa pagbati lalo na ang mga nagpenitensiya.
    Paglabas namin ng simbahan, naitanong ko sa sarili, maulit ko pa kaya ito sa susunod na taon?
    Sana, bakit hindi?

    Monday, January 09, 2006

    positibo

    Lab talaga ako ni LORD.
    Hindi niya ako kinakalimutang
    bigyan ng pagsubok.
    Pray 4 me.
    Sana makapasa ulit.
    Ayoko nang daanin ito
    sa pagmumukmok
    Sigurado namang kaya ko 'to e.
    Pray 4 me ulit.
    Pandagdag lakas ng loob.

    Saturday, January 07, 2006

    TAGay ni Des

    Ito ang unang tag ko ngayong 2006 at galing ito kay Des.
    Tinagalog ko na lang ang sagot ko, sa mga na-tag ko, puwede n'yo uling isalin sa English.

    Rules:
    * The tagged victim has to come up with 8 different points of their perfect lover/partner.
    * Need to mention the sex of the target.
    * Tag 8 victims to join this game & leave a comment on their Comments saying they've been tagged.
    * If tagged the 2nd time, there’s no need to post again.

    Target: LALAKI

    ***8 iba't ibang puntos***
    * pisikal – matangkad, kayumanggi, may mapangusap na mga mata
    * emosyonal – pasensiyoso (matigas kasi ulo ko).
    * sikolohikal – normal at balanse
    * ispirtiwal – naniniwala at may takot sa Diyos (dapat lang)
    * mental - normal ang mentalidad. Sa IQ, ayoko nu’ng masyadong matalino.
    * pinansiyal – kahit meager lang, basta hindi nauubusan. hehehe
    * sosyal – marunong makisama pero laging una ang pamilya.
    * iba pa – maabilidad at mahal na mahal ako. (nyehehehe)

    Tag ko sina wendy, jack, anne, agring, melai, Kuya Ace, neng, bethski

    Wednesday, January 04, 2006

    atake


    Enero 2, inatake ako ng sakit ng ulo, as in sobrang sakit. Tipo bang gusto ko na lang tagpasin para matapos na. Hindi ako makatawa o maka-ubo kasi parang lumilindol ang utak ko. Hindi rin ako makakibo nang biglaan kasi, parang sumasabog ang ugat sa ulo ko.
    Hayy, nag-undertime tuloy ako dahil dito, tsk, tsk, tsk, pero siyempre tinapos ko pa rin ang trabaho, iniwan ko na nga lang ang layout.
    Natulog ako pag-uwi pero paggising ko kinabukasan, ganu'n pa rin. Nakupp, nampotek! Ano ba 'tong nangyayari sa akin? Bigla ko tuloy naisip si Fernando Poe, Jr. at Reynaldo Wycoco ng NBI, kapwa namatay sa aneurysm.
    Nabasa ko kasi na isa sa mga sintomas ng sakit na ito ang sobrang pananakit ng ulo (na naranasan ko nga), pamamanhid ng bahagi ng mata (na naranasan ko rin), stiffneck (ganu'n din). Hindi lang ako nakaranas ng pagsusuka at nausea.
    Weirdo ko talaga, ihalintulad ba kina FPJ at Wycoco ang kalagayan, hehehe kung magkagayunman, at least napatunayan ko na may UTAK pala ako. HAHAHA! Pero batay sa sarili kong kalkulasyon, palagay ko ito lang ang kailangan ko:


    Pero ayaw kong ipagwalambahala lahat ng ito. Sabi nga ni Doc, mahirap mag-self-medicate.

    Sunday, January 01, 2006

    bagong taon na!



    Manigong Bagong Taon sa lahat ng mga blogista!
    Unang araw ng taon, nandito ako sa opis, kailangan eh. Kahit kulang pa sa tulog dahil sa kasiyahan noong Media Noche, sige pa rin!
    Basta para ulit akong bata kagabi kahit nadagdagan na naman ang taon, positibo ang ihip ng hangin. Tumalon ako para tumangkad (joke, joke, joke), nagpaputok ng piccolo, nagsindi ng kuwitis, buti na lang 'di ako naputukan (Hehehe).
    Pero, hindi pa natatapos ang kasiyahan bigla na lang may pumasok sa isip ko...may gagawin nga pala akong trabaho na hindi ko natapos! Ay sus, nampotek. Kaya ngayon ang aga-aga kong pumasok sa opisina. Wala kasi akong karilyebo kaya doble ang trabaho ko. Hayy, mukhang buong 2006 nagkukumahog ako lagi sa trabaho.
    Basta, masaya naman ako kagabi, kaya naman nakalimutan ko panandalian ang mga nasa likod ng utak ko na produkto pa ng 2005. Masaya kaming lahat, buong pamilya at 'yun na lang ang pinanatili ko sa isip para naman maganda pa rin ang simula ng year of the dog para sa akin.
    Start na ko sa workload at sana maagang matapos para makasimba at makapagpasalamat.
    Ciao! Happy New Year!