Monday, September 26, 2005

pangaral

di ka ba nagtataka kapag nalalagas
ang dahon sa tangkay
may umuusbong muling dahon
sa naturan ding lugar?
di ka ba nagtataka na kahit gaano
kakapal ang madilim na ulap
sa panahon ng tag-ulan ay lumiliwanag muli
upang bigyaan-daan ang sinag-araw?
di ka ba nagtataka sa sinag ng araw sa umaga
na unti-unting magliliyab nang todo sa katanghalian
pero dahan-daang lulubog sa Kanluran
upang muli sumungaw sa bukang liwayway?
Bakit kaya may itim at puti?
Bakit kaya may lalaki at babae?
Bakit may saya at pighati?
Iyan na mismo ang buhay!
Nasa kamatayan mismo ang pagsilang!
At nasa pagsilang ang mismong kamatayan!

mula ito sa isang kaibigan na walang sawang nagbibigay ng lakas ng loob sa isang pesimistang katulad ko (kaso matigas talaga ang ulo ko, hehehe).

Thursday, September 22, 2005

ako sa loob ng kumunoy

malawak ang aking mundo
pero peligroso ito
mahirap kumibo
kailangan kang alisto.

alam ko marami kami rito
pero ako lang ang nakikita ko
sa malawak kong mundo
na pulos panaghoy ng anino.

paano ba makawala rito?
sa mundo kong sobrang tuso
isang sentimetrong maling kibo
dalawang dipang lubog ako.

dapat pag-isipan nang makapito
makawalo, makasiyam, makasampo
upang sa kumunoy na ito
tuluyang makawala na ako.

Thursday, September 15, 2005

alaala

Tinatahak ko ngayon ang landas ng kamalayang
tanging ikaw at ako lamang ang nakaaalam.
Lingid sa atin ay saksi pala ang Bathala sa karimlan
na matamang nagmamasid sa takbo ng mga nakaraan.

Inukit at hinulma ng panahon
mistulang obra ng nalimot na kahapon.
Bawat hinuha ng isip ay bunga
ng isang malayang pitak ng pagnanais.

Pagnanais na umalma sa anino ng nakaraan.
Pagnanais ng isang pagwawasto.
Pagnanais na baguhin ang obrang
nilumot na ng pag-inog ng mundo.

Wednesday, September 14, 2005

lola mo ba 'to?

Patungo na ako sa opisina nang makasakay ko ang dalawang primadonang lola na ito sa FX. Si Lola 1 pusturang-pustura pa rin at todo ang alahas sa katawan, si Lola 2 simple lang pero rock! Baket? heto ang nakakaloka nilang usapan habang binabaybay namin ang kahabaan ng West Avenue at Quezon Avenue.

Lola 1: (Habang papasakay sa FX) Ay naku, napakahirap namang umakyat dito. Ang tuhod ko ay mahina na at napakababa pa pala ng upuan.
Lola 2: Oo nga ano, hehehe.

Lola 1: Nag-fasting ka na ba?
Lola 2: Oo, naman pero kumakain din ako. Mahirap na sa ating edad ano.

Lola 1: Kunsabagay.
Lola 2: At saka ako, gusto ko sa activity natin kapag simba, simba. Ayoko na ako pa ang magluluto ng kakainin ng lahat. Mahirap mag-asikaso ano.

Lola 1: Tama ka dyan, kami nga sa bahay hindi na rin ako nagluluto. Inaakit ko na lang silang kumain kami sa restaurant. Napapagod na kasi ako at siyempre sa edad kong ito hindi na bagay sa akin ang ganyang gawain.
Lola 2: Ay oo naman ano. Siyempre, kapag nagluto ka, may mga hugasang matitira. Naku, ayoko na ring maghugas ng pinggan. Minsan nga sa paper plate ko na lang pinakakain ang mga anak ko para itatapon na lang at wala nang huhugasan.

Lola 1: E kahit sa paper plate mo pakainin, yung pinaglutuan naman nandun din, ikaw pa rin ang magkukutkot.
Lola 2: Hindi mo ba nauutusan ang mga anak mo? E ang katulong, wala ba kayo?

Lola 1: May kanya-kanya nang pamilya ang mga anak ko. Sa Linggo nga magsu-swimming kami sa Los BaƱos.
Lola 2: Talaga? Saan ba 'yun?

Lola 1: Sa Laguna. Hotspring iyon at saka may bubong at hindi maraming tao kasi private sa amin lamang. Kasama ko ang pamilya nina Eleanor, Eric at ni Tanya.
Lola 2: Ay maganda nga 'yun ano. E 'di ikaw ang mag-aayos ng lakad?

Lola 1: Ay naku, hindi ano. Tigilan nila ako, gusto ko pa-relax-relax na lang. At saka sila na ang nag-akit kaya sila ang mag-asikaso. Hindi ko na dapat problemahin yon.
Lola 2: Naku kung ako yan, sasabihin ko sa mga anak na ibigay n'yo na lang sa akin ang pera at wag na tayong mag-swimming. Kaso nahihiya rin naman ako.

Lola 1: (Sumegway) Masarap mag-swimming no! Medyo mainit pa rin naman ngayon kahit maulan.
Lola 2: Bakit? Wala ba kayo aircon?

Lola 1: Meron naman, tatlo pa nga ang bentilador ko.
Lola 2: E, ako pag-akyat ko ng 9 p.m. sa kuwarto bukas ko na ang aircon hanggang 12 yun. Tatlong oras ko lang binubuksan. At kapag nasa sala ako, binubuksan ko rin yung aircon sa baba.

Lola 1: E 'di mahal ang kuryente n'yo?
Lola 2: Hindi nga e. P1,500 lang!

Lola 1: (sumegway ulit) Alam mo ba si Crisostomo (Ibarra?)...
Lola 2: Di ba hindi nakapag-asawa 'yon?

Lola 1: Naku yan ang hirap nang wala kang sariling pamilya. Isipin mo umiihi na raw sa kama. Nakapampers na rin.
Lola 2: Sa lahat naman 'yun ang ayaw kong maranasan.

Lola 1: Sinabi mo pa. Eh, naghahanap na nga ngayon ng mapapang-asawa ano.
Lola 2: Ganun?

Lola 1: Baka may kakilala ka?
Lola 2: Eh, kung ako 'yun papayag na ako kasi malapit na matigok yun. At least yung mga benepisyo nun sa 'kkin mapupunta. Konting tiis na lang naman siguro. Ahihihi.

Lola 1: Sus, e kung ang gagawin ko lang naman e samahan siya sa banyo at hugasan ang puwit niya e wag na lang. hindi ko pinangarap.
Lola 2: E madali lang naman 'yun.

Lola 1: Ano ka, isipin mo kung isasama mo sa mall, hindi ka makakaikot at hindi ka mag-eenjoy tapos nakatali lang ang buhay mo sa ganun.
Lola 2: At least, mayaman ka naman pag namatay 'yun. Hahahaha!

Susmaryosep! Napa-sign of the cross na lang ako pagbaba ko sa Sto. Domingo sabay sabi na buti na lang hindi ko lola ang mga 'yun. kayo? baka lola n'yo sila?