Tuesday, January 10, 2006

Viva Nazareno!


Kahapon ang Kapistahan ng Itim na Nazareno, hindi naman ako deboto, pero hindi naman siguro kailangan na maging deboto ka para lamang mamanata.
Sa totoo lang, simula nang lumipat kami ng bahay sa Kyusi mula sa Paquita St., Lerma, madalang na akong nakapagsimba sa Quiapo. Pero natatandaan ko pa na sa nasabing basilica kami nagsisimba ng aking mga magulang.
Kagabi, humabol kami sa misa, kasama ko mga kasamahan ko sa trabaho, sina Tawe, Jen at Chi. Bago pa man kami nakarating sa simbahan, nilakad na namin mula sa Isetann kasi sarado pa ang kalsada. Halfway, sumakay na rin si Chi, pauwi kasi nakapagmisa na siya nu'ng umaga.
Umabot naman kaming tatlo sa sermon ng pari pero sa rami ng taong narooroon sa labas lang ng simbahan kami nakapuwesto. Gayunman, pilit kaming nakipagsiksikan para makapasok sa loob ng basilica, hindi pa kasi bumabalik ang prusisyon. Nang makapasok sa loob, doon ko napagtanto na marami na pala ang bago sa nasabing simbahan. Gold-plated na ang altar at puro ilaw, hindi na tulad noon na medyo payak at simple lamang ang altar.
Siksikan man, okey lang. Wala naman sigurong maglalakas-loob na gumawa ng kalokohan habang taimtim na nagdarasal ang mga tao. May matandang babae na nasa likuran namin na nakapangingilabot ang tinig habang inaawit ang Ama Namin, pakiramdam ko tuloy nasa life in the spirit seminar ako, masyadong masidhi ang kanyang pag-awit sa mala-sopranong boses (hehehe). Pero in fairness, nakatulong siya sa pagdarasal ko kasi feel na feel niya kaya feel na feel ko na rin.
Hindi rin kami napako sa puwesto namin dahil pinilit naming makapunta sa aisle at nagawa naman namin ni Weng dahil sinundan namin ang isang padre de pamilya na karay-karay ang kanyang dalawang tsikiting at si esmi kaya ayun, nakapuwesto kami si gitna habang naiwan si jen sa exit at du'n na lang namin siya susunduin pagkatapos.
Eksaktong papasok na ang prusisyon kaya nakisiksik pa kami at pinatindi ang hawak sa bakal dahil nagtutulakan na ang mga pipol. Tinarayan pa nga kami nu'ng isang babae na katabi namin dahil singit daw kami ng singit. Nginitian na lang namin, mahirap na, wala sa tamang lugar kung papatulan namin siya (hehehe). Dedma na lang kahit halu-halo na ang amoy, nakisigaw ng Viva Nazareno, nakiawit, nakihawak sa panyo at larawan ng Nazareno. Masaya ang pakiramdam ko habang ginagawa ko 'yun. Yung iba namang nakita ko umiiyak, bata man o matanda. Meron namang kumakanta, yung iba naman walang puknat sa pagbati lalo na ang mga nagpenitensiya.
Paglabas namin ng simbahan, naitanong ko sa sarili, maulit ko pa kaya ito sa susunod na taon?
Sana, bakit hindi?

2 comments:

bistado said...

2 ang natepok at marami ang sugatan sa Pista ng Poong Nazareno, ano ang masasabi mo dyannn?
Malas ba sila o buwenas?
O, wala lang?

Anonymous said...

bistado,
oras na nila. yun lang. hehehe!