Friday, December 30, 2005

bayani ng lahi


Ang HINDI marunong MAGMAHAL
sa SARILING WIKA
ay HIGIT pa ang amoy
sa MABAHONG ISDA.
- Gat. Jose Rizal

Tuesday, December 27, 2005

pagtatapos

parang kailan lang nang simulan ang Simbang Gabi, ngayon ilang araw nang lumipas ang Pasko at naghihintay na tayo sa nalalapit na pagtatapos ng taon.
parang kailan lang nagbibilang pa ako kung ilang buwan pa ang lilipas bago mag-Pasko, pero ngayon, ilang araw na ang lumipas matapos ito.
parang kailan lang nag-iisip pa ako ng ibibigay sa mga inaanak, kapamilya at malalapit na kaibigan, pero ngayon, marami pa yata akong nakalimutang bigyan.
parang kailan lang parang gusto ko nang matapos ang taon, pero ngayon, kagyat kong iniisip kung paano ko mapipigilan ang pag-inog ng mundo.
dungo pa ba ako sa panibagong bukas, sa kabila ng matagal kong pananatili sa karimlan?
o di kaya'y bulag at ayaw makita ang liwanag na ngayo'y aking kinasasadlakan?

Friday, December 16, 2005

panata

Sinimulan na ang tradisyunal na Simbang Gabi tanda na papalapit na araw ng Pasko. Bilang simula sa aking hangad na pagbabago, sinikap kong dumalo sa unang Misa de Gallo at sisikapin ding mabuo ito hanggang sa ika-siyam na araw – pagpatak ng mismong araw ng Pasko.
Medyo kakaiba nga lang tulad ng nakagawian ko na 4:00 ng madaling-araw ang misang aking dinadaluhan, dahil 8:00 ng gabi ito sinimulan sa Sto. Domingo Church. Dahil malapit din lamang sa opisina, dito na ako tumuloy at sana nga makumpleto ko ang panata.
Kung sumablay man siguro ako rito sa Sto. Domingo, puwede pa rin sa madaling-araw, dahil malapit lang naman ang bahay namin sa isang malaking simbahan sa Novaliches.
Ewan ko na lang ‘pag sumablay pa ako, talagang husto na ang katamaran ko kung gayon at parang nakakaawa na ang ispiritwalidad ko. Pero siyempre, pagbubutihin ko dahil ako ang nagnanais ng pagbabago. Wala man akong matanggap o maibigay na regalo sa sarili ko, malaking bagay na siguro na napag-ibayo ko ang pakikipag-ugnayan kay Lord. Sana nga tuluy-tuloy na ito para mas makabuluhan ang aking Pasko.

Tuesday, December 13, 2005

ang bagbabalik

Matagal din akong nawala at nagpahinga sa blogosphere kaya heto ako ngayon at nagbabalik.
Nakaka-miss pala ang blogging. Minsan, sinubukan kong buksan ang site ko at maglagay na ng panibagong post pero maraming balakid ang dumarating na sa tingin ko ay mas dapat bigyan ng aking atensiyon.
Nakakapagod ang dalawang linggo, bukod sa trabaho na kumokopo sa maghapon ko, mas nangailangan ng aking kalinga ang mag-ama ko. Pareho silang nagkasakit at sabay pa, hindi rin nagkakalayo ang kalagayan nila. Hindi biro ang sakit nila dahil nasa family history. As usual, laman kami ng ospital at siyempre 'pag nandiyan ka, gastos 'yan.
Dalawang beses na akong nag-half day, ilang beses na namang na-late. Nakakapanghinayang din sa kabilang banda ang makakaltas sa suweldo ko kaya kahit nagagalit na 'yung isa dahil hindi ako nagpapahinga, hindi ko na lang pinapansin.
Buti na lang malakas pa rin resistensiya ko. Hindi pa ako nagkakasakit at harinawa hindi nga mangyari ngayon. Kaya nga nagpapasalamat pa rin ako at hindi pa ako bumibigay. Magpa-Pasko pa naman.
Bukod dito, nakaaway ko pa isang friend ko. Mag-inarte ba naman, nakakainis! (Itanong mo ke Wendz) Aba, apat na gabi rin kaming 'di nagpapansinan kaya ang aga-aga niyang umuuwi, pikon kasi, hehehe. Uhm, hindi naman ako bad, hindi ko nga pinapatulan mga pasaring niya e, kasi alam ko na ugali niya, hehehe.
Sa kabila naman ng lahat, naayos ko rin ang gusot, tinambangan ko siya sa banyo, inginudngod sa bowl hehehe, joke lang. Kinausap ko siya, hindi na ko nakatiis sa kaartehan niya kaya ayun, okei na kami at sabay-sabay na naman umuwi.
Malungkot yata ang pasok ng Disyembre, magpa-Pasko pa naman kaya kailangan sikaping maging masaya at maayos ang lahat anuman ang mangyari.

Tuesday, November 29, 2005

Araw ng Supremo

ISANG pagbibigay pugay sa Supremo ng Katipunan.
Maligayang isandaan at apatnapu’t dalawang kaarawan
Gat Andres Bonifacio!
(Nobyembre 30, 1863)
.
---KKK---
.
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa,
Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.
.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong wagas sa bayang nagkupkop.
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod:
Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.
.
Ang nakaraang panahon ng aliw
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin
Liban pa sa bayan saan tatanghalin?
.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
Walang alaalang inaasam-asam
Kundi ang makita lupang tinubuan.
.
Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
Kahoy niyaring buhay na nilanta’t sukat
Ng bala-balaki’t makapal na hirap
Muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.
.
Ipakahandog-handog ang buong pag-ibig
Hanggang sa may dugo’y ubusing itigis
Kung sa pagtatanggol buhay ang kapalit
Ito’y kapalaran at tunay na langit.
.
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Aling pag-ibig pa wala na nga wala
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.

Sunday, November 27, 2005

TAGay ni Agring

1. Anong oras ka gumising kaninang umaga? 9:30 n.u.
2. Ano ka sa dalawa morning person o night owl? Depende sa sked
3. Anong huling pelikula ang napanood mo sa sinehan? tanong ko sa kasama ko, ahehehe
4. Anong paborito mong TV show? Sa ngayon, Jewel in the Palace
5. Anong kinain mo sa agahan? Pansit at pandesal na sinawsaw sa suka, ahehehe
6. Ano ang iyong panggitnang pangalan? G.
7. Ano ang paborito mong lutong pagkain? Dami, eh
8. Anong pagkain ang ayaw mo? Pagkaing isinasawsaw sa suka
9. Paboritong araw? Wala
10. Paboritong CD sa ngayon? MYMP pa rin
11. Paboritong sandwich? Cheese Pimiento homemade
12. Anong katangian ang ayaw mo? doble kara
13. Anong ginagawa mo kapag nababagot ka? kumakanta
14. Kung magbabakasyon ka sa ibang bahagi ng mundo, saan ka tutungo? Rome
15. Paboritong tatak ng damit? Wala
16. Saan ka pinanganak? Lucena
17. Ano ang pinakamagandang alaala ng iyong kamusmusan?
pasyal sa Quezon Park matapos magsimba
18. May alaga ka bang hayop? Flower horn, askal, dalmatian
19. Mayroon ka bang bagong balita na gusto mong ibahagi sa lahat? Wala pa, e.
20. Ano ang gusto mong maging nu’ng musmos ka pa? Gusto ko maging nurse pero hindi ko alam kung bakit hindi nursing ang kinuha ko nu’ng college.
21. Mga trabahong napasukan mo? service crew, purchasing at admin assistant, ngayon asst. na naman (sa posisyon lang pero ang scope of work hindi na pang-asst. e, ahehehe)
22. Ano ang nauna, manok o itlog? Manok
Ipapasa ko ito kina Wendy at Des :)

Friday, November 25, 2005

pananaw

Nawiwili ako ngayon sa panonood ng mini-series na Daejanggeum (The Great Jang Geum) o mas kilalang Jewel in the Palace dito sa atin. Nagustuhan ko ang pangunahing sangkap ng istorya na may kinalaman sa kababaihan – women power ba. Siyempre, palabok na lamang dito ang anggulo ng pag-ibig at mga pagsubok sa buhay.
Isang true to life story ang Jewel in the Palace na halaw mula sa buhay ni Jang Geum ang kauna-unahang babae sa Korea na naging head physician ng Hari ng Joseon Dynasty.
Isasama ko na rin sa dahilan ko ng panonood ang napakagandang setting kung saan tampok ang ilang makasaysayang lugar at tourist spots sa Korea.
Na-curious tuloy ako sa history ng Korea dahil nu’ng high school ang mga dinastiya sa Tsina lamang ang napag-aralan namin.
Nagustuhan ko rin ang gumanap bilang batang Jang Geum, ang kulit niya at nakakawili ang kanyang facial expressions – buti na lamang at akma rin sa kanya ang boses kung sino man ang gumanap na dubber. Gusto ko nga hindi na lang siya lumaki o kaya mas pinalawig pa sa serye ang pakikipagsapalaran ng batang Jang Geum, pero siyempre hindi naman ako ang writer, eh (hehehe).
Hindi ko naman iniitsepuwera ang mga lokal teleserye ng Pinoy – tulad ng Darna at Panday na talaga namang nakatatak na sa isip ng masa – kaso nasanay na lang ako sa walang patumanggang pasakit na dinaranas ng bida at ang wala ring kamatayang kontrabida - kesehodang mahulog na sa gusali, barilin nang ilang ulit, masagasaan ng trak, pero buhay pa rin (hehehe).
Kailangan din naman ng manonood ng ibang timplada, nandu’n na ang mga aral sa buhay, pero ‘yun bang tipong nakadaragdag din naman ng kaalaman sa mga manonood lalo na’t may mga kabataan ding nakatutok.
Bakit hindi kaya subukang gawing teleserye ang buhay ni Jose Rizal o ni Andres Bonifacio? Ilan lamang sila sa mga bayani natin na sa paaralan na lamang binubuhay, dahil kasama na silang nilalamon ng makabagong teknolohiya. Natural, may mga anggulo pa ng kanilang buhay na hindi alam ng lahat ng Pinoy na maaaring bigyang kulay sa teleserye.
Katulad ni Jang Geum, tiyak ko na marami ring mapupukaw na mapanood at malaman ang makulay na buhay nina Rizal at Bonifacio, magagaling yata at malikhain ang mga manunulat na Pinoy ngayon.
Opinyon ko lamang naman ito bilang isang manonood, masyado na kasing dominado ang telebisyon at radyo ng dayuhang kultura at ito na lamang ang nakahihiligang tangkilikin ng nakararaming Pinoy, partikular na ng mga kabataan na siyang dapat nating alalayan dahil sila ang huhulma ng lahing Pilipino sa hinaharap.

Monday, November 21, 2005

nakakatakot ba?

wala akong magawa kaya tingin-tingin lang
sa tabi-tabi
hanggang sa mapadpad ako dito.
bahala na kayo, 'di ko naman sinabing
bisitahin n'yo yan e, hehehe!

Thursday, November 17, 2005

ang "itlog" ni Errol na galing kay j

Nag-suicide ang itlog dahil ayaw na niyang maging manok at mamatay o pumatay ng inosenteng tao o kapwa manok sakaling dapuan siya ng nakatatakot na Bird Flu virus!
Isa siyang dakilang itlog kahit hindi siya tanggapin ni San Pedro.
Yun lang masasabi ko tungkol sa itlog na ipinasa sa akin ni ERROL na galing naman kay J.
Kayo BETHSKI, NENG at BULITAS, ano masasabi n'yo sa itlog na ito?

Monday, November 07, 2005

ang cellphone at ang Bible

Ang cellphone laging hawak, ipinapakita.
Ang Bible laging nakatago at ayaw ipakita.

Ang cellphone binibili kahit libo-libong halaga.
Ang Bible ayaw bilhin, kahit isang daan ang halaga.

Ang cellphone laging pinapalitan ng case.
Ang Bible hindi man lang mabilhan ng case.

Ang cellphone ay ayaw magasgasan.
Ang Bible hinahayaang maalikabukan.

Ang cellphone bihirang makaligtaan kung saan iniwan.
Ang Bible madaling makaligtaan kung saan naiwan.

Ang cellphone mahirap ipahiram, baka masira.
Ang Bible madaling ipahiram, kahit mawala.

Ang cellphone laging binabasa kung may bagong message.
Ang Bible hindi binabasa kaya hindi makita ang message.

Ang cellphone message masarap i-share.
Ang Bible verse nakakalimutang i-share.

Ang cellphone ipinapakita ang lifestyle ng tao.
Ang Bible nagpapabago ng lifestyle ng tao.

Ang cellphone mabilis maluma.
Ang Bible hindi naluluma.

Ang cellphone message kung minsan ay late.
Ang Bible laging on time ang message.

Ang cellphone kailangan mag-load para mag-message.
Ang Bible laging fully loaded ang message.

Ang cellphone ay mahalagang gamit ng tao,
pero ang Bible ay mas mahalaga kung gagamitin ng tao.

---oOo---

Na-receive ko ito sa aking e-mail. Since limited din lamang ang nasa address book ko, naisipan ko na lang na i-post ito rito, at least, maraming blogista ang makababasa - kahit nasa list ko o wala. Sana'y magising tayo sa mensaheng ito!

Tuesday, November 01, 2005

maling diskarte

ang daming missed calls at messages sa cellphone ko, lahat galing sa mga pinsan ko sa Quezon at iisa lang ang tanong nila, kung uuwi raw ba ako ngayong Undas. hayy, gustong-gusto ko pero hindi ko magawa. ngayon nga nasa trabaho ako kasama ng mga multo rito sa opisina - siyempre, bukod pa sa kanila ang mga katrabaho ko. tatlong taon nang ganito ang buhay ko at lubhang nakakabagot na. para na rin akong patay. hayy.
pero sa isang banda, puwede naman akong mawala ngayon kaso nga lang nagkamali ako ng diskarte noong kaarawan ko. dapat pumasok na lang ako nu'ng araw na 'yun at ngayon ko ginamit ang dalawang araw kong leave. hayy at hayy, 'yun na lang ang masasabi ko.
siguro mas tamang ilibing ko na rin ngayon ang mga hinanakit ko sa trabaho at sa personal kalakip ng dasal ngayong Araw ng mga Santo na patnubayan ako lagi sampu ng aking pamilya.
bukas, kasabay ng Araw ng mga Patay ko na lang ipagluluksa ang mga kaganapan na dapat kong naranasan sa aking buhay pero aking nakaligtaan.

Wednesday, October 26, 2005

TAGay ni neng

“20 random facts about me then tag the same amount of people as minutes it takes you to write the facts”

1) petite ako.
2) mommy na ko pero parang hindi, wala sa looks hehehe.
3) dalawa site ko, ito (Malaya) at Carpe Diem. ‘Yung huli intended for English entries at ito naman sa Filipino. Mahirap palang I-maintain ang dalawang blogs.
4) mahiyain ako.
5) pagod na ko sa trabaho ko.
6) miss ko na trekking.
7) trip ko singing, kahit ano.
8) gusto ko pa mag-aral o kumuha ng masteral course.
9) gusto ko rin magturo.
10) akala ko nu’n ang ibang bansa ibang planeta at pag punta ka ng US lalabas ka sa kalawakan kasi ibang planeta nga. O walang tatawa!
11) nanampal ako nung bday ng pinsan ko nalasing kasi ako halu-halo nainom ko J&B, London Dry, Gilbeys at San Mig. pero mas 'di ko malilimutan nu'ng uminom me ng Red Horse na sinundan ng Colt 45 kasi naubos yung RH, grabe 'di ko na uulitin 'yun, promise!
12) tangkad mister ko kaya bagay kami. heheh. wala ulit kokontra!
13) miss ko na ang kalye lahat ng pangyayari sa kalye kasi ngayon nakakulong ako sa opis 7 araw at natutulog lang ako sa bahay. ganu'n, parang boarder.
14) working student ako nu'n sa KFC at naging kras ko yung manager naming bading (paminta). majority ng kostumer kong mga lola at lolo ayaw maniwalang 18 years old na ko nu'n.
15) 'yung pila ng fx sa Muñoz, laging sa may tabi ng drivers seat ako pinapasakay, ewan ko kung bakit.
16) hindi ako makakalimutin, nye, ano nga 'yun!
17) masarap ako magluto. tanong n'yo kay wendy.
18) lumaki (tama ba 'yung term?) ako sa lolo't lola ko sa Quezon.
19) mas gusto ko malasing kesa mag-yosi.
20) matakaw ako pero ngayon hindi e.

Ooops, ipapasa ko ang tagay kay wendy, jack, anne, j, bulitas, nhila, janice, iPOB at bethski

Monday, October 24, 2005

lumang mundo

Matagal kong ninais na makita ka.
Heto ka nga’t nakabilad sa ‘king mga mata.
Kinilig ako at talagang kinaba,
pero tanong ng isip ito’y tama ba?

Kagyat kong naramdaman ang kaligayahan
nang malaman ang iyong tunay na kalagayan.
Naramdamang takot ngayo’y naparam,
nawala rin maging aking mga agam-agam.

Dating landas na ating tinahak
maging ang prinsipyo na pilit binatak
ngayo’y magkaiba na at aking natitiyak
pati na ating munting pangarap at halakhak.

Magkagayunman, masaya ako
Nang mapagtanto ang kalooban mo.
Kung gaano ako kaespesyal sa’yo
sa mga panahong malayo tayo.

Ngayon batid kong imposible na ito.
Hindi na maibabalik ni mababago,
ang makulay na nakaraang nabuo
noong mga panahong masiphayo.

Thursday, October 13, 2005

apoy

Dumadampi sa aking pisngi
ang init ng iyong pagliyab
Gumagapang sa aking kalamnan
ang iyong pagmamahal.
Akala ko'y wala nang katapusan
ang iyong pagningas.
Akala ko'y magtatagal
ang pagbibigay ng iyong liwanag.
Ngunit nagdilim ang panahon
tuluyang bumuhos ang ulan.
Ang pangakong liwanag
biglang kumupas.
Tuluyang humupa ang init
na dulot ng iyong pagliyab.
Nagmistulang abo ang dating
damdaming nagdadarang.
Ilang gabing nag-iisa
kasama ang buwan,
kasabay na tumatangis
ang damdaming iniwan.
Ngunit sa gitna ng pighati
at ng kalungkutan,
luha ko'y pinahid
ng isang liwanag.
Ngiti'y biglang sumilay,
damdami'y biglang nabuhay.
Pagkat sa dating apoy
nagmumula ang panibagong liwanag.

Tuesday, October 11, 2005

na-tag ulit ako!

3 Things that you still don't know about me.

1) strong in the outside and weak in the inside.
2) afraid of me.
3) independent in my own way.

I pass this on to ms. bing, j and pretty nhils.

Saturday, October 08, 2005

tuloy pa rin

Mabilis talaga ang takbo ng panahon,
tatlong taon na pala ako sa aking trabaho.
Parang kailan lang, ano?
Pero heto ako, tuloy pa rin sa pakikibaka.
Saan ba ang aking direksiyon?
Hanggang dito na lang ba ako?
Hindi siguro.
Hahakbang pa ako.
Hahakbang pa ako!

Tuesday, October 04, 2005

na-tag ako

1) Is it really bad to stare?
I think it depends upon on how and who u stare at. we have different perceptions regarding that gesture. Some people like others to stare at them even if it's a glaring one while some feel offended on such manner. So as the golden rule goes, don't do unto others what you don't want to do unto you.

2) Do you have a favorite song?
Yeah, i have. True Colors, Ode to My Family, Selfless, Cold and Composed, Half-Life, Mad World, Better Man and Back 2 Good

3) Tag 7 peeps
The Maven, Anne, Janice, Jack, Carpe Diem, Don Honesto, Sherwina

Monday, October 03, 2005

aso't pusa

nagalit ka sa mababaw na dahilan
bumuhos ang ulan sa ating pagitan.

naging manhid ako sa pagiging sensitibo mo
at ngayon kapwa nagmamatigas tayo.

kung hangggang kailan ito magtatagal
hindi ko alam, ngunit ako'y napapagal.

pero tandaan mo, nandito lang ako
bukas pa rin para sa iyo...kaibigan ko.

Monday, September 26, 2005

pangaral

di ka ba nagtataka kapag nalalagas
ang dahon sa tangkay
may umuusbong muling dahon
sa naturan ding lugar?
di ka ba nagtataka na kahit gaano
kakapal ang madilim na ulap
sa panahon ng tag-ulan ay lumiliwanag muli
upang bigyaan-daan ang sinag-araw?
di ka ba nagtataka sa sinag ng araw sa umaga
na unti-unting magliliyab nang todo sa katanghalian
pero dahan-daang lulubog sa Kanluran
upang muli sumungaw sa bukang liwayway?
Bakit kaya may itim at puti?
Bakit kaya may lalaki at babae?
Bakit may saya at pighati?
Iyan na mismo ang buhay!
Nasa kamatayan mismo ang pagsilang!
At nasa pagsilang ang mismong kamatayan!

mula ito sa isang kaibigan na walang sawang nagbibigay ng lakas ng loob sa isang pesimistang katulad ko (kaso matigas talaga ang ulo ko, hehehe).

Thursday, September 22, 2005

ako sa loob ng kumunoy

malawak ang aking mundo
pero peligroso ito
mahirap kumibo
kailangan kang alisto.

alam ko marami kami rito
pero ako lang ang nakikita ko
sa malawak kong mundo
na pulos panaghoy ng anino.

paano ba makawala rito?
sa mundo kong sobrang tuso
isang sentimetrong maling kibo
dalawang dipang lubog ako.

dapat pag-isipan nang makapito
makawalo, makasiyam, makasampo
upang sa kumunoy na ito
tuluyang makawala na ako.

Thursday, September 15, 2005

alaala

Tinatahak ko ngayon ang landas ng kamalayang
tanging ikaw at ako lamang ang nakaaalam.
Lingid sa atin ay saksi pala ang Bathala sa karimlan
na matamang nagmamasid sa takbo ng mga nakaraan.

Inukit at hinulma ng panahon
mistulang obra ng nalimot na kahapon.
Bawat hinuha ng isip ay bunga
ng isang malayang pitak ng pagnanais.

Pagnanais na umalma sa anino ng nakaraan.
Pagnanais ng isang pagwawasto.
Pagnanais na baguhin ang obrang
nilumot na ng pag-inog ng mundo.

Wednesday, September 14, 2005

lola mo ba 'to?

Patungo na ako sa opisina nang makasakay ko ang dalawang primadonang lola na ito sa FX. Si Lola 1 pusturang-pustura pa rin at todo ang alahas sa katawan, si Lola 2 simple lang pero rock! Baket? heto ang nakakaloka nilang usapan habang binabaybay namin ang kahabaan ng West Avenue at Quezon Avenue.

Lola 1: (Habang papasakay sa FX) Ay naku, napakahirap namang umakyat dito. Ang tuhod ko ay mahina na at napakababa pa pala ng upuan.
Lola 2: Oo nga ano, hehehe.

Lola 1: Nag-fasting ka na ba?
Lola 2: Oo, naman pero kumakain din ako. Mahirap na sa ating edad ano.

Lola 1: Kunsabagay.
Lola 2: At saka ako, gusto ko sa activity natin kapag simba, simba. Ayoko na ako pa ang magluluto ng kakainin ng lahat. Mahirap mag-asikaso ano.

Lola 1: Tama ka dyan, kami nga sa bahay hindi na rin ako nagluluto. Inaakit ko na lang silang kumain kami sa restaurant. Napapagod na kasi ako at siyempre sa edad kong ito hindi na bagay sa akin ang ganyang gawain.
Lola 2: Ay oo naman ano. Siyempre, kapag nagluto ka, may mga hugasang matitira. Naku, ayoko na ring maghugas ng pinggan. Minsan nga sa paper plate ko na lang pinakakain ang mga anak ko para itatapon na lang at wala nang huhugasan.

Lola 1: E kahit sa paper plate mo pakainin, yung pinaglutuan naman nandun din, ikaw pa rin ang magkukutkot.
Lola 2: Hindi mo ba nauutusan ang mga anak mo? E ang katulong, wala ba kayo?

Lola 1: May kanya-kanya nang pamilya ang mga anak ko. Sa Linggo nga magsu-swimming kami sa Los Baños.
Lola 2: Talaga? Saan ba 'yun?

Lola 1: Sa Laguna. Hotspring iyon at saka may bubong at hindi maraming tao kasi private sa amin lamang. Kasama ko ang pamilya nina Eleanor, Eric at ni Tanya.
Lola 2: Ay maganda nga 'yun ano. E 'di ikaw ang mag-aayos ng lakad?

Lola 1: Ay naku, hindi ano. Tigilan nila ako, gusto ko pa-relax-relax na lang. At saka sila na ang nag-akit kaya sila ang mag-asikaso. Hindi ko na dapat problemahin yon.
Lola 2: Naku kung ako yan, sasabihin ko sa mga anak na ibigay n'yo na lang sa akin ang pera at wag na tayong mag-swimming. Kaso nahihiya rin naman ako.

Lola 1: (Sumegway) Masarap mag-swimming no! Medyo mainit pa rin naman ngayon kahit maulan.
Lola 2: Bakit? Wala ba kayo aircon?

Lola 1: Meron naman, tatlo pa nga ang bentilador ko.
Lola 2: E, ako pag-akyat ko ng 9 p.m. sa kuwarto bukas ko na ang aircon hanggang 12 yun. Tatlong oras ko lang binubuksan. At kapag nasa sala ako, binubuksan ko rin yung aircon sa baba.

Lola 1: E 'di mahal ang kuryente n'yo?
Lola 2: Hindi nga e. P1,500 lang!

Lola 1: (sumegway ulit) Alam mo ba si Crisostomo (Ibarra?)...
Lola 2: Di ba hindi nakapag-asawa 'yon?

Lola 1: Naku yan ang hirap nang wala kang sariling pamilya. Isipin mo umiihi na raw sa kama. Nakapampers na rin.
Lola 2: Sa lahat naman 'yun ang ayaw kong maranasan.

Lola 1: Sinabi mo pa. Eh, naghahanap na nga ngayon ng mapapang-asawa ano.
Lola 2: Ganun?

Lola 1: Baka may kakilala ka?
Lola 2: Eh, kung ako 'yun papayag na ako kasi malapit na matigok yun. At least yung mga benepisyo nun sa 'kkin mapupunta. Konting tiis na lang naman siguro. Ahihihi.

Lola 1: Sus, e kung ang gagawin ko lang naman e samahan siya sa banyo at hugasan ang puwit niya e wag na lang. hindi ko pinangarap.
Lola 2: E madali lang naman 'yun.

Lola 1: Ano ka, isipin mo kung isasama mo sa mall, hindi ka makakaikot at hindi ka mag-eenjoy tapos nakatali lang ang buhay mo sa ganun.
Lola 2: At least, mayaman ka naman pag namatay 'yun. Hahahaha!

Susmaryosep! Napa-sign of the cross na lang ako pagbaba ko sa Sto. Domingo sabay sabi na buti na lang hindi ko lola ang mga 'yun. kayo? baka lola n'yo sila?

Tuesday, August 30, 2005

mabubuti kong mga kaibigan

Tag Ur it!

SINU-SINO ANG MGA KAIBIGAN MO?

A) Noong medyo wala ka pang muwang at ilarawan sila:
1) Cleng-Cleng
2) Darlene
3) Len-Len

Lahat sila mapuputi. maikli ang buhok ni Cleng samantalang mahaba naman ang kina Darlene at Len-Len. naaalala ko, kalaro ko sila noong kabataan ko na uso pa ang chinese garter, piko, siato, tumbang-preso. sa 16th St, New Manila pa ako nakatira noon. Ang mga magulang nila ay kaibigan ng mga magulang ko lalo na ng aking ama. Sa kanilang tatlo, si Darlene lang ang huli kong nakita nitong nakaraang taon. Maganda pa rin siya tulad ng dati. Si Cleng, wala na akong balita sa kanya gayundin kay Len-Len.

B) Noong elementary ka
1) Kristine Bantiles
2) Joanne Quintos

Sila naman ang kaibigan ko noong Grade 4 ako sa St. Joseph's College. Si Kristine, nakatira siya sa may So-En sa Araneta. Si Joan naman, anak ng adviser namin. Close kaming tatlo, mula assignments, projects, exams at ultimo crushes alam ng bawat isa. Natatandaan ko pa, nagpupunta kami sa bahay ni Kristine para lamang magkasama-sama. Ngayon ang huli kong balita kay Kristine ay nasa Davao na siya. Kay Joan, wala na akong alam tungkol sa kanya.

3) Mabel
4) Michael

Sina Ate mabel at Michael ang naging kaibigan ko mula nang lumipat kami sa probinsiya. tiyahin ko siya. naging mabait sila, sampu ng kanilang magulang, sa amin ng kapatid kong si Karla. Siyempre hanggang ngayon, alam ko na nandiyan lang sila at natutuwa sa tuwing tumatawag kami at nangungumusta. Ngayon may pamilya na si Ate Mabel kasama pa rin si Michael.

C) Noong high school
1) Christy Anne del Mundo

T-Anne kung tawagin ko siya. maganda siyang babae. kayumanggi at balingkinitan ang katawan. lagi akong nasa kanila noong first year high school pa lang ako. minsan naman sinusundo pa ako ng kanyang ama para makasama ni T-Anne sa bahay. may pinsan si T-Ann na Bryan ang pangalan. ito naman ang kakulitan naming dalawa noon. Tanda ko pa, lagi kaming kumakain ng ice cream kasama ang utol niyang si Mirasel na isa ring napakagandang binibini. Ngayon, si T-Anne may pamilya na. May komumikasyon pa rin kami sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Si Mirasel naman ay nasa ibang bansa nakikipagsapalaran.

2) Thennessee Yu
Isa siya sa hindi ko makakalimutang kaibigan. maikli lamang ang panahon na naging malapit kami pero isa iyong magandang ala-ala. bestfriend ko siya nung second year high school pa ko. pero nang dahil lang sa isang libro, nagkahiwalay kami. hindi kami nag-away nang dahil sa libro. nagkataon lamang na isang libro ang dahilan kung bakit nawalan siya ng ganang mag-aral. lumipat siya ng paaralan na naging dahilan ng aming paghihiwalay. huli ko siyang nakita noong kaarawan niya Oktubre yun ng taong 1993 kung hindi ako nagkakamali. bumili ako ng munting regalo para sa kanya pero hindi ko na matandaan kung ano ito.

3) Janice Punzalan
4) Roan Macaraig
5) Elaine Ramos
6) Leah Decena
7) Joy Tan
8) Shirley Jaca
9) Teresita Bucal

Sila naman ang naging kasa-kasama ko mula third year hanggang fourth year ng saan nadagdag naman sa listahan si Teresita Bucal. Si Janice, matalino yan at magaling magsulat, klasmeyt ko siya mula pa noong grade four ako. si Roan, mas maliit siya sa akin o pantay lang kami, hehehe. Si Elaine naman ang lapitin ng mga guys dahil sa angking kagandahan habang si Ate Lea naman ang liwanag ng grupo dahil isa itong taong simbahan, may calling. hindi ko lang alam kung madre na siya ngayon, huli ko kasing balita sa kanya sa Batangas siya nagkolehiyo. Si Shirley naman ang pinakamaputi sa grupo habang si Joy Tan, magaling sa math yan. Si Beng ang panggulo pero okey naman.

D) Noong college
1) Star Tagudando - naku, numero unong indianera at nagpahamak sa 'kin hehehe
2) Rhea dela Cruz - kasama sa kalokohan
3) Jubileen Icaro - masiyahin at masayang kasama kahit topakin
4) Mary Anne Maraño - mabango at masarap tumawa
5) Almira Silvestre - gabay ng barkada, maka-Diyos
6) Jeila Laquiña - katropa
7) Ariel Solomon - kasama sa ideo
8) Jonas Tuazon - kasama sa buhay
9) Dami pa sila e - mga kaklase, kasama sa bundok, sa cata, sa trabaho at iba pang orgs

E) Ngayon
1) Wendy Pastera
2) Michelle Albia
3) Jennifer Surrat
4) Ann Co
5) Jack Manalo
6) Janice delos Santos
7) Candy Carreon
8) Glenda Najera
9) Valerie
10) Sir Dan
11) Sina Sir at Mam
12) Lahat ng blogistas at iba bang blogistas
13) Mga igan ko nung college na 'di pa bumibitiw
14) at siyempre ang mga lalaki sa buhay ko - Jonas at Ponks

ISA LANG MASASABI KO, WALA SILANG KAPARIS, LAHAT MAAASAHAN SA ORAS NG KALUNGKUTAN, PANGANGAILANGAN AT LABAN NG BUHAY. MGA TUNAY KONG KAIBIGAN!

Saturday, August 27, 2005

muni-muni

minsan mas gusto ko pa ang may problema dahil nasusukat ko ang aking kakayahan.
pero hindi lamang ito ang dahilan. kapag problemado kasi ako mas malapit ako sa KANYA.
alam ko na mali ang paraang ito at dapat kong baguhin. ngunit mas ramdam ko ang KANYANG presensiya sa sandaling nagugulumihanan ako at sa isang iglap para na naman akong bata sa KANYANG piling...nagsusumbong, nagsusumamo at nag-aamot ng pagmamahal, pang-unawa at kapatawaran.
hindi ko ibig sabihin na kapag maalwan ang aking pakiramdam, hindi ko SIYA naaalala. minsan kasi nahihiya ako sa KANYA, magkagayunman, hindi ko nakalilimutan usalin ang salitang pasasalamat sa lahat ng ibinibigat NIYA sa akin.
hindi ko alam kung anong lebel na ba ang aming komunikasyon, pero masasabi ko na unti-unti na muli akong nakababawi sa halos ilang taon kong pagkukulang sa KANYA. dahil dito, masaya ako anuman ang dumating sa akin dahil alam kong ni minsan hindi NIYA ako pinababayaan.

Wednesday, August 10, 2005

maskara


naiintindihan mo ba?
kung paano ako naging masaya
gayong may kalungkutan pa ring nadarama?
kung paano ako naging malungkot
gayong may kasiyahan ding nadarama?
pero siguro naranasan mo na rin ito
maaari ngang magulo.
marahil mabuti nang ganito
na balanse ang nadarama ko.
masaya ako pero hindi.
malungkot ako pero hindi.

Thursday, August 04, 2005

bukang liwayway


Sa dulong bahagi ng tigang na lupa
sumilip ang sinag ng pag-asa.
Binalot ng init ang hanging malamig,
nanuot sa bawat binhing nanginginig.
Ahh, bukang liwayway, kaytagal kang hinintay
punan mo ng kulay ang malamlam kong buhay!

Monday, August 01, 2005

dapit hapon


Sa dulong bahagi ng tigang na lupa
agaw-buhay ang liwanag
tila wala nang lakas.
Unti-unting nilalamon
at iginugupo ng dilim.
Ahh, dapit hapon na naman,
malungkot, malamig...
kaytagal muling sisilip ng bukang liwayway!

Wednesday, July 20, 2005

malaya

kalayaan. lahat 'yan ang gusto. ako, aaminin ko, oo.
ikaw, hindi ba? huwag mo nang itanggi.
bakit nga ba, ayaw pasupil ng isang nilalang?
dahil ba sa pagiging malaya naipapakita natin ang tunay nating pagkatao,
mga pananaw sa buhay, mga opinyon, paninindigan at mga pangarap.
hindi ba kapag ikinukulong ka, gusto mo makawala?
hindi ba kapag may kinikimkim ka, gusto mong magwala
at pakawalan ang lahat ng nasa puso't isip mo?
mabigat kasi kapag ikinukubli ito lalo na kung ikaw mismo
ang nagkukulong sa sarili mong pagkatao.
ahh, tunay na masarap maging malaya. tara, palayain mo ang sarili mo!