Thursday, October 13, 2005

apoy

Dumadampi sa aking pisngi
ang init ng iyong pagliyab
Gumagapang sa aking kalamnan
ang iyong pagmamahal.
Akala ko'y wala nang katapusan
ang iyong pagningas.
Akala ko'y magtatagal
ang pagbibigay ng iyong liwanag.
Ngunit nagdilim ang panahon
tuluyang bumuhos ang ulan.
Ang pangakong liwanag
biglang kumupas.
Tuluyang humupa ang init
na dulot ng iyong pagliyab.
Nagmistulang abo ang dating
damdaming nagdadarang.
Ilang gabing nag-iisa
kasama ang buwan,
kasabay na tumatangis
ang damdaming iniwan.
Ngunit sa gitna ng pighati
at ng kalungkutan,
luha ko'y pinahid
ng isang liwanag.
Ngiti'y biglang sumilay,
damdami'y biglang nabuhay.
Pagkat sa dating apoy
nagmumula ang panibagong liwanag.

4 comments:

Anonymous said...

"Akala ko'y magtatagalang pagbibigay ng iyong liwanag.Ngunit nagdilim ang panahontuluyang bumuhos ang ulan." --ang ganda:)

Anonymous said...

hanep sa tula! personal experience ba yan, ha? kuwento naman. hehehe

lws said...

binalikan ko ulih hetong tula mo kasi ang ganda ganda ng pagkakahayag mo sa "APOY"

Loraine said...

ang ganda...
ramdam ko ang bawat salitang tinuhog ng makata mong isipan..