Friday, November 25, 2005

pananaw

Nawiwili ako ngayon sa panonood ng mini-series na Daejanggeum (The Great Jang Geum) o mas kilalang Jewel in the Palace dito sa atin. Nagustuhan ko ang pangunahing sangkap ng istorya na may kinalaman sa kababaihan – women power ba. Siyempre, palabok na lamang dito ang anggulo ng pag-ibig at mga pagsubok sa buhay.
Isang true to life story ang Jewel in the Palace na halaw mula sa buhay ni Jang Geum ang kauna-unahang babae sa Korea na naging head physician ng Hari ng Joseon Dynasty.
Isasama ko na rin sa dahilan ko ng panonood ang napakagandang setting kung saan tampok ang ilang makasaysayang lugar at tourist spots sa Korea.
Na-curious tuloy ako sa history ng Korea dahil nu’ng high school ang mga dinastiya sa Tsina lamang ang napag-aralan namin.
Nagustuhan ko rin ang gumanap bilang batang Jang Geum, ang kulit niya at nakakawili ang kanyang facial expressions – buti na lamang at akma rin sa kanya ang boses kung sino man ang gumanap na dubber. Gusto ko nga hindi na lang siya lumaki o kaya mas pinalawig pa sa serye ang pakikipagsapalaran ng batang Jang Geum, pero siyempre hindi naman ako ang writer, eh (hehehe).
Hindi ko naman iniitsepuwera ang mga lokal teleserye ng Pinoy – tulad ng Darna at Panday na talaga namang nakatatak na sa isip ng masa – kaso nasanay na lang ako sa walang patumanggang pasakit na dinaranas ng bida at ang wala ring kamatayang kontrabida - kesehodang mahulog na sa gusali, barilin nang ilang ulit, masagasaan ng trak, pero buhay pa rin (hehehe).
Kailangan din naman ng manonood ng ibang timplada, nandu’n na ang mga aral sa buhay, pero ‘yun bang tipong nakadaragdag din naman ng kaalaman sa mga manonood lalo na’t may mga kabataan ding nakatutok.
Bakit hindi kaya subukang gawing teleserye ang buhay ni Jose Rizal o ni Andres Bonifacio? Ilan lamang sila sa mga bayani natin na sa paaralan na lamang binubuhay, dahil kasama na silang nilalamon ng makabagong teknolohiya. Natural, may mga anggulo pa ng kanilang buhay na hindi alam ng lahat ng Pinoy na maaaring bigyang kulay sa teleserye.
Katulad ni Jang Geum, tiyak ko na marami ring mapupukaw na mapanood at malaman ang makulay na buhay nina Rizal at Bonifacio, magagaling yata at malikhain ang mga manunulat na Pinoy ngayon.
Opinyon ko lamang naman ito bilang isang manonood, masyado na kasing dominado ang telebisyon at radyo ng dayuhang kultura at ito na lamang ang nakahihiligang tangkilikin ng nakararaming Pinoy, partikular na ng mga kabataan na siyang dapat nating alalayan dahil sila ang huhulma ng lahing Pilipino sa hinaharap.

11 comments:

Anonymous said...

chowtime panoorin mo din!! hek hek hek.. apir!!!

Flex J! said...

Teleserye adik ka rin huh!!!

Ano na nangyari kay darna at panday?, nagkatuluyan na ba sila...LOL!

masterbetong said...

try ng abc-5 dati na gumawa ng historical teleserye, noli ung ginawa nila pero parang di klik sa masa diba? alala ko din ung magagandang teleserye ng rpn-9 i.e. boracay, cebu etc. may konting substance than the typical teleserye ngayon. whew! miss ko na pinoy programming except abs-cbn! nakaka-uta na eh! :)

Anonymous said...

i share the sentiments here. (walang patumanggang pasakit na dinaranas ng bida). tanong nga ng asawa ko yan noon sa akin. bakit daw kailangang laging may nasasampal sa mga teleserye o di kaya movies para lang daw ma-categorize na drama yung pelikula. hahaha sabi niya, ang ibig sabihin daw ba noon eh para lang maka-relate ang masa sa movie, kailangang ganon? naku, ako...regular viewer ako ng mara clara. yun na ang pinakahuling serye na napanood ko.

lws said...

maganda ang iyong pananaw.mas makabuluhan siguro kung ilalahad ang pagkabayani ng mga bayani,pero marahil alam na nag manonood ang ending dahil siguradong patay ang ending.siguro milyon milyon na ang bilang ng telebisyon dyan sa pilipinas ano?yan ang numero uno na appliances kaya sa tv sinusubaybayan ang pulitika at drama at aksyon at kung ano-ano pa...haaaaaaay nakikisimpatya ako

nixda said...

buhay ni Rizal at Bonifacio??? hindiiiii!!! baka gayahin nga sila ng mga kabataan. kawawa naman ang mga nakatira sa walakanayang!
hinahayaang sina Darna at Panday na lang ang gawing huwaran upang manatiing mga kababalaghan lang ang kayang lutasin ng mga kabayan.
hayaang manatiling mangmang ang susunod na henerasyon upang di matuto kung paano ipaglaban ang karapatang pantao. Amen.

Anonymous said...

huy, ako din addict dito sa teleseryeng ito. bonding time namin ng mom & youngest bro ko kc dito sila watch in my room.

nakita ko sa isang binondo store ang full dvd set nito. shyet, nagkataon naubos na nung araw na yun ang pera ko kasi kaga2ling lang namin sa 168 mag-shopping. kainis! :lol:

bistado said...

nakakahon lang kasi ang mga kasalukuyang Pinoy writers. Naimpluwensiyahan sila ng mga "naunang writers" na nangongopya lang ng ideya. Walang originality ang Pinoy.Kahit ang teleserye batay sa mga bayani ay malinaw na isang pangongopya ng ideya at estilo sa ibang bansa.Mas mainam kung ite-teleserye ay mga "extra-ordinaryong kuwento"--tulad sa nagsasalitang cellphone, nagtatakbong telebisyon, nagsasalitang poste ng Meralco, nag-aapoy na tubig, at tumitigas na apoy; pagdating ng Pinoy sa buntala ng buwan; pagtira ng tao sa ilalim ng dagat imbes sa pagdayo sa Mars, Venus at Saturn. Walang kakaibang talento at talino ang nakikita natin ngayon.Ikaw, baka sakaling makaimbento ka ng bagong konsepto na maglalarawan ng sentimyento ng isang nanay, ng isang obrerong nagsasakripisyo para sa isang buwayang employer, at isang babae may kakaibang buhay-pag-ibig na wala pa sa mga aklat....

Anonymous said...

basilisk,
na-try ko na po!

flex j,
di pa naman ganu'n ka-adik.
masterbetong, napanood ko nga po 'yung sa Channel 5

des,
'yun na yata ang klasikong sangkap ng lahat ng teleserye

lws,
siguro kahit alam na ang ending, masasapawan pa rin ito ng malikhaing isipan ng manunulat at direktor kung paano nila gagawing kaabang-abang ang wakas ng istorya.

neng,
mabuti nang matuto sila ng nasyonalismo baka sakaling magkaroon na ng tuluyang pagbabago

bistado,
hindi rin maganda ang puro pantasya. siguro kung ang layunin lamang ay mag-entertain oo pero ang magdulot ng pagbabago o magbigay ng makabuluhang kaalaman?

Anonymous said...

wow! a fellow jang geum fan! =) addicted din ako sa jewel in the palace, and first time ko to, kasi di talaga ako mahilig sa TV. i always thought soap operas were pointless.

pero nung sinubukan kong panoorin ang series na ito, na-hook na ako. ang ganda kasi ng kwento, at ang ganda ng script. matalinghaga at ibang-iba ang story, di tulad ng usual pretty-but-poor-girl-turned-princess o di kaya'y yung mga nagkakapalitan ng mga anak na uso sa Pinoy TV.

di ko alam na true story pala siya, and di ko alam ang historical background ng series, but now that i know, mag-research na ako. salamat sa impormasyon. =)

bing said...

jewel in the palace is beautiful indeed..