Tuesday, May 30, 2006

kambal ba?

Wala lang akong magawa kaya heto, napaglaruan ng mapaglaro kong isip at paningin ang magkakahawig na larawang ito. Sa tingin n'yo tama ba ako na magkamukha sila?


Sen. Gringo Honasan Taylor Hicks of AI


Mura of MTB Joseph Bitangcol of SCQ


Alvien Cano of G. Pilipinas Ely Buendia of Pupil

Marami pa sana pero ito na lang muna kasi hirap maghanap ng pics. Mga girls naman next.
(Paalala: Wala po akong intensiyon na makapanakit sa post na ito, likha lamang ito ng mapanuri kong paningin. Anyway, lahat naman sila ay sumikat at nakilala sa kani-kanilang larangan. Yun lang.)

Thursday, May 25, 2006

pasukan na!

Ang bilis ng panahon, parang kailan lang nagsimula ang bakasyon pero hindi na lalagpas ang isang linggo, tapos na ang buwan ng Mayo at simula na naman ng pasukan.
Mahihirapan na naman akong mag-adjust lalo na sa traffic. Tuwa ko lang pag hindi na ako nahuli sa pagpasok sa office. Buti nga ngayong buwan, hindi ako masyadong nale-late kaya ineenjoy ko pa ang time card ko. Baka itong Hunyo, maging red card na ito, waaaaah, huwag naman sana.

***
Matatapos na ang bakasyon pero hindi man lang ako nakauwi sa probinsiya, balak ko nga ngayong Sabado - eksakto, piyesta pa naman sa amin. Matutuwa siguro sina Amama at Inana na makita ang paborito nilang apo, si Gina, este si Karen pala (nyehehehe).
Balita ko rin na magre-reunion ang batch namin nu'ng high school, kaya gusto ko ring makauwi. Marami na akong na-miss. Sana matuloy ako sa Sabado, kahit isang araw lang magandang alaala na ito sa 'kin.

***
Si Taylor Hicks ang nanalo sa American Idol laban kay Katherine McPhee. Napansin n'yo ba? May hawig si Taylor kay Gringo Honasan lalo na't gray-haired pa ang 29-anyos na winner. Hehehe, kaya pala hindi maare-aresto ng awtoridad si Gringo, busy sa pagkanta.

Sunday, May 21, 2006

tatlong eba sa everest

Pagkatapos ang matagumpay na pag-akyat nina Leo Oracion, Pastour Emata at Romy Garduce sa Mt. Everest, tatangkain naman itong akyatin ng tatlong kababaihang mountaineers.
Ayon sa ulat, unity climb ang target nina Janet Belarmino, Carina Dayondon at Noelle Wenceslao, pawang draftees ng Philippine Coast Guard at miyembro ng First Philippine Mt. Everest Expedition team.
Tumulak na sila sa Alaska kung saan sisimulan ang training sa Mt. McKinley, pinakamalamig na bundok sa mundo. Magtatagal nang isang buwan ang kanilang training sa nasabing lugar bago tuluyang sumabak sa Mt. Everest.
Nawa'y magtagumpay din ang tatlong kababaihang ito sa kanilang layunin na ipakita ang lakas ng kababaihan!

Wednesday, May 17, 2006

biyaheng everest

Nabasa ko, as of press time, na malapit nang mailagay ni Heracleo "Leo" Oracion ang bandila ng Pilipinas sa summit ng Mt. Everest. Inaasahan na ngayong hapon ng Miyerkules, nasa ituktok na ito ng pinakamataas (8,848 meters o 29,028 foot) na bundok sa buong mundo. Kasunod ni Oracion si Erwin "Pastor" Emata na sinasabing patungo na sa Camp 4 mula sa Camp 3 at inaasahan namang makarating sa peak bukas (Huwebes). Si Romi Garduce naman ang pumapangatlo sa nasabing ekspedisyon.
Wish ko lang na magtagumpay ang Pinoy sa kanilang layunin sa pag-akyat sa Mt. Everest, isa itong karangalan ng ating bansa.

Sunday, May 14, 2006

awit kay inay

Aking Ina,
Mahal kong Ina.
Pagmamahal mo aking Ina,
Yakap mo sa akin, hinahanap ko.
Init ng pag-ibig, kumot ng bunso.
Sa gitna ng pagkakahimbing,
Yakap mo ang gigising.


(Hiniram ko kay Remi: Nobody's Girl)

Sunday, May 07, 2006

ano ang gagawin mo?



Tipikal na nakikita natin sa mga pelikula ang ganitong mga eksena, ang bida, pilit kumakawala sa kumunoy pero lalo siyang kinakain nito, ika nga sa Ingles, "the more you struggle to get out of it, the more it eat you up."

Pero alam n'yo ba kung paano makawawala sa kumunoy? Simple lang. Ayon sa mga eksperto, dapat na manatiling relax ang taong nahulog sa kumunoy, dahil ang quicksand (kumunoy) ay hindi buhay o nangangain ng tao tulad ng ating tipikal na nalalaman ukol dito. Binubuo ito ng mixture ng buhangin at tubig, wala itong kakayahang mahawakan ang bigat ng tao kaya ang tendency ay lumubog ang tao lalo na kung masyado itong magalaw dahil nagpa-panic.

Payo ng ekperto, kung sakaling mahulog ka sa kumunoy, subukan mong huwag gumalaw dahil kusang magpo-float ang katawan mo at maaari ka nang makatungo sa safe na lugar para makaahon nang maayos.

Para rin itong problema, pag nag-panic ka, hindi ka makakapag-isip nang maayos, lalo ka lamang kakainin ng problema mo, pero kung relaxed ka lang, makaiisip ka nang solusyon sa problema mo? Kuha mo?

Bakit ko naisulat ito? Wala lang, ini-a-apply ko lang ngayon sa sarili ko. Yun lang. Good day sa inyong lahat! Salamat nga pala kay J at C unang nag-comment nung picture pa lang ang naka-post.

Friday, May 05, 2006

hay buhay!

Patungo na naman ang buhay ko sa dapit-hapon. Kinapos na ako ng diskarte, lahat na yata ng paraan nagawa ko na kaya tatanggapin ko na lamang ang hirap at pagkatalo sa pakikipaglaban. Unti-unti ko nang isinusuko ang prinsipyo na huwag hayaang magpagupo sa problema, pero may kaunti pang lakas na sumisipa at nagbibigay pag-asa kaya naman, eto at isusugal ko na.
Pero napagtanto ko, sa panahon pala na akala mo wala ka nang masasandigan, may nakaalalay pa rin sa iyo. Kaya naman natuwa ako sa isang pangyayari na bagamat alam kong hindi makapagbibigay agad ng solusyon sa aking hinaharap, makatutulong naman ito sa susunod na pakikibaka sa buhay. Kaya heto, tuloy ako sa pakikipaglaban kahit mahirap ang consequence na kaakibat nito.


oOo

At dahil balisa ako at hindi maganda ang mood ngayong linggong ito, may nangyaring hindi inaasahan sa isang pampublikong lugar.

Nakasakay ako sa bus (sa 3 seater sa tabi ng aisle ako pumuwesto kasi hippie-look ang lalaki na nasa tabi ng bintana.) Dahil pre-occupied ang lola n'yo, hindi ko alintana ang biyahe. May sumakay na babae at uupo sa tabi ko, since ayoko nga sa gitna, nag-give-way ako sa kanya. Pumasok ang babae at nagpatuloy ang aming biyahe.
Bumaba ang babae sa Tandang Sora, windang pa rin ang lola ninyo sa kaiisip ng kung anek-anek habang patuloy ang pagsakay ng mga pasahero sa bus. Isang babaeng matangkad sa akin (dahil petite ako), may kulay ang buhok, nakasuot ng mini skirt, may dalang bag at dalawang medium plastic bag na hindi naman puno ng laman ang nakatayo sa aking harapan.
Ang ginawa ko, nag-give-way ulit ako para makapasok siya at makaupo sa gitna. Hindi naman siya kumibo at sa halip ito ang ginawa sa inyong lola:
(pasigaw, mas malakas pa sa ingay ng makina ng bus)
.
Babae: Nakita mo na ngang nahihirapan ako, hindi ka pa umusog!
.
Ayoko siyang patulan dahil ayaw ko ng eskandalo at dagdag isipin, umusog na lang ako sa gitna. Pero tila demonyo yata siya na nang-aasar. Pabalagbag na umupo ang babae, ang kanyang balikat at bag, naka-overlap sa aking kanang braso, medyo natabig ko pa ang lalaking hippie dahil sa lakas ng impact nang umupo ang babae.
.
Hindi ko na napigilan ang sariling magkomento:
.
Ako: Sorry ha, hindi ko alam na hindi ka marunong mag-excuse.
Babae: Ang arte mo!
.
Tumahimik na lamang ako at pinigil ang sarili. Maari naman siyang umupo nang maayos dahil sa liit kong ito at hindi naman kalakihan ang hippie, kasya kaming tatlo at siguradong komportableng makakaupo ang babae. Ngunit ang klase ng kanyang pagkakaupo, pa-sideway at ang hita niya nakalabas sa may bahagi ng pintuan ng bus. Nakikita ko sa gilid ng aking mata na paismid siyang tumitingin at parang nag-uusal ng kung ano. Nararamdaman ko rin ang bakal sa style ng kanyang bag na nakadiin sa aking kanang braso pero dinedma ko na lang. Hanggang sa pumara ang babae. Hindi sinasadya na ang bakal ng kanyang bag ay sumabit sa manggas ng uniporme ko at sa halip na mag-sorry ang babae, eto ang ginawa niya.
.
Babae: Nananadya ka ba? Ang arte mo talaga.
.
Patawarin ako ni Lord, pero hindi ko na kinaya ang ginagawa sa aking panliliit.
.
Ako: Kung hindi ka sanay sumakay ng bus, mag-taxi ka!
Babae: Hindi ka maganda noh!
Ako: Bakit? Maganda ka? Feeling mo, FEELING mo lang 'yun! Mukha kang hita.
.
Natawa ang ilang pasahero. Bumaba ang babae na inis na inis. Ang sabi naman sa akin ng lalaking katabi ko, sana hindi ko na lang daw pinatulan. Ang katwiran ko, mabuti na 'yung ipinamumukha sa isang tao kung ano talaga siya para matauhan at sa susunod alam na niya kung paano makikitungo sa kapwa tao niya.
.
Sa totoo lang, hindi ko akalain na nagawa ko yun sa isang pampublikong lugar. Hindi rin ako pinatulog ng pangyayari dahil alam kong may pagkakamali rin ako sa pagpatol sa babaeng yun.

Monday, May 01, 2006

labor day

Ngayon ang Araw ng Paggawa pero heto ako sa opisina nakikibaka para sa pang-araw-araw na kabuhayan. Impit ang sigaw ng nakabusal na bibig...nakakubli pa rin ang nag-aalsang damdamin. Dinaraan na lamang sa bawat tipa ng daliri sa keyboard ang silakbo ng pagnanais ng maalwang pamumuhay.
Kung iisipin, hindi ako nag-iisa, lahat naman yata ng abang manggagawa ganito ang nadarama, ke nasa Pinas ka o nasa ibang bansa. Tanging baon sa bulsa, sipag, tiyaga, pasensiya at sandamakmak na pag-asa na makaaahon din sa dusa at makakamit ang katarungan sa tamang paggawa.
At dahil tatak na ng Pinoy ang pagiging matiisin, ang lahat ay talagang kakayanin nating bakahin anuman at gaano mang hirap ang sapitin. Kaya bilang pampalakas ng loob, narito't umaalingawngaw mula sa aking puso - Mabuhay ang manggagawang Pinoy!