Tuesday, November 29, 2005

Araw ng Supremo

ISANG pagbibigay pugay sa Supremo ng Katipunan.
Maligayang isandaan at apatnapu’t dalawang kaarawan
Gat Andres Bonifacio!
(Nobyembre 30, 1863)
.
---KKK---
.
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa,
Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.
.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong wagas sa bayang nagkupkop.
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod:
Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.
.
Ang nakaraang panahon ng aliw
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin
Liban pa sa bayan saan tatanghalin?
.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
Walang alaalang inaasam-asam
Kundi ang makita lupang tinubuan.
.
Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
Kahoy niyaring buhay na nilanta’t sukat
Ng bala-balaki’t makapal na hirap
Muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.
.
Ipakahandog-handog ang buong pag-ibig
Hanggang sa may dugo’y ubusing itigis
Kung sa pagtatanggol buhay ang kapalit
Ito’y kapalaran at tunay na langit.
.
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Aling pag-ibig pa wala na nga wala
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.

Sunday, November 27, 2005

TAGay ni Agring

1. Anong oras ka gumising kaninang umaga? 9:30 n.u.
2. Ano ka sa dalawa morning person o night owl? Depende sa sked
3. Anong huling pelikula ang napanood mo sa sinehan? tanong ko sa kasama ko, ahehehe
4. Anong paborito mong TV show? Sa ngayon, Jewel in the Palace
5. Anong kinain mo sa agahan? Pansit at pandesal na sinawsaw sa suka, ahehehe
6. Ano ang iyong panggitnang pangalan? G.
7. Ano ang paborito mong lutong pagkain? Dami, eh
8. Anong pagkain ang ayaw mo? Pagkaing isinasawsaw sa suka
9. Paboritong araw? Wala
10. Paboritong CD sa ngayon? MYMP pa rin
11. Paboritong sandwich? Cheese Pimiento homemade
12. Anong katangian ang ayaw mo? doble kara
13. Anong ginagawa mo kapag nababagot ka? kumakanta
14. Kung magbabakasyon ka sa ibang bahagi ng mundo, saan ka tutungo? Rome
15. Paboritong tatak ng damit? Wala
16. Saan ka pinanganak? Lucena
17. Ano ang pinakamagandang alaala ng iyong kamusmusan?
pasyal sa Quezon Park matapos magsimba
18. May alaga ka bang hayop? Flower horn, askal, dalmatian
19. Mayroon ka bang bagong balita na gusto mong ibahagi sa lahat? Wala pa, e.
20. Ano ang gusto mong maging nu’ng musmos ka pa? Gusto ko maging nurse pero hindi ko alam kung bakit hindi nursing ang kinuha ko nu’ng college.
21. Mga trabahong napasukan mo? service crew, purchasing at admin assistant, ngayon asst. na naman (sa posisyon lang pero ang scope of work hindi na pang-asst. e, ahehehe)
22. Ano ang nauna, manok o itlog? Manok
Ipapasa ko ito kina Wendy at Des :)

Friday, November 25, 2005

pananaw

Nawiwili ako ngayon sa panonood ng mini-series na Daejanggeum (The Great Jang Geum) o mas kilalang Jewel in the Palace dito sa atin. Nagustuhan ko ang pangunahing sangkap ng istorya na may kinalaman sa kababaihan – women power ba. Siyempre, palabok na lamang dito ang anggulo ng pag-ibig at mga pagsubok sa buhay.
Isang true to life story ang Jewel in the Palace na halaw mula sa buhay ni Jang Geum ang kauna-unahang babae sa Korea na naging head physician ng Hari ng Joseon Dynasty.
Isasama ko na rin sa dahilan ko ng panonood ang napakagandang setting kung saan tampok ang ilang makasaysayang lugar at tourist spots sa Korea.
Na-curious tuloy ako sa history ng Korea dahil nu’ng high school ang mga dinastiya sa Tsina lamang ang napag-aralan namin.
Nagustuhan ko rin ang gumanap bilang batang Jang Geum, ang kulit niya at nakakawili ang kanyang facial expressions – buti na lamang at akma rin sa kanya ang boses kung sino man ang gumanap na dubber. Gusto ko nga hindi na lang siya lumaki o kaya mas pinalawig pa sa serye ang pakikipagsapalaran ng batang Jang Geum, pero siyempre hindi naman ako ang writer, eh (hehehe).
Hindi ko naman iniitsepuwera ang mga lokal teleserye ng Pinoy – tulad ng Darna at Panday na talaga namang nakatatak na sa isip ng masa – kaso nasanay na lang ako sa walang patumanggang pasakit na dinaranas ng bida at ang wala ring kamatayang kontrabida - kesehodang mahulog na sa gusali, barilin nang ilang ulit, masagasaan ng trak, pero buhay pa rin (hehehe).
Kailangan din naman ng manonood ng ibang timplada, nandu’n na ang mga aral sa buhay, pero ‘yun bang tipong nakadaragdag din naman ng kaalaman sa mga manonood lalo na’t may mga kabataan ding nakatutok.
Bakit hindi kaya subukang gawing teleserye ang buhay ni Jose Rizal o ni Andres Bonifacio? Ilan lamang sila sa mga bayani natin na sa paaralan na lamang binubuhay, dahil kasama na silang nilalamon ng makabagong teknolohiya. Natural, may mga anggulo pa ng kanilang buhay na hindi alam ng lahat ng Pinoy na maaaring bigyang kulay sa teleserye.
Katulad ni Jang Geum, tiyak ko na marami ring mapupukaw na mapanood at malaman ang makulay na buhay nina Rizal at Bonifacio, magagaling yata at malikhain ang mga manunulat na Pinoy ngayon.
Opinyon ko lamang naman ito bilang isang manonood, masyado na kasing dominado ang telebisyon at radyo ng dayuhang kultura at ito na lamang ang nakahihiligang tangkilikin ng nakararaming Pinoy, partikular na ng mga kabataan na siyang dapat nating alalayan dahil sila ang huhulma ng lahing Pilipino sa hinaharap.

Monday, November 21, 2005

nakakatakot ba?

wala akong magawa kaya tingin-tingin lang
sa tabi-tabi
hanggang sa mapadpad ako dito.
bahala na kayo, 'di ko naman sinabing
bisitahin n'yo yan e, hehehe!

Thursday, November 17, 2005

ang "itlog" ni Errol na galing kay j

Nag-suicide ang itlog dahil ayaw na niyang maging manok at mamatay o pumatay ng inosenteng tao o kapwa manok sakaling dapuan siya ng nakatatakot na Bird Flu virus!
Isa siyang dakilang itlog kahit hindi siya tanggapin ni San Pedro.
Yun lang masasabi ko tungkol sa itlog na ipinasa sa akin ni ERROL na galing naman kay J.
Kayo BETHSKI, NENG at BULITAS, ano masasabi n'yo sa itlog na ito?

Monday, November 07, 2005

ang cellphone at ang Bible

Ang cellphone laging hawak, ipinapakita.
Ang Bible laging nakatago at ayaw ipakita.

Ang cellphone binibili kahit libo-libong halaga.
Ang Bible ayaw bilhin, kahit isang daan ang halaga.

Ang cellphone laging pinapalitan ng case.
Ang Bible hindi man lang mabilhan ng case.

Ang cellphone ay ayaw magasgasan.
Ang Bible hinahayaang maalikabukan.

Ang cellphone bihirang makaligtaan kung saan iniwan.
Ang Bible madaling makaligtaan kung saan naiwan.

Ang cellphone mahirap ipahiram, baka masira.
Ang Bible madaling ipahiram, kahit mawala.

Ang cellphone laging binabasa kung may bagong message.
Ang Bible hindi binabasa kaya hindi makita ang message.

Ang cellphone message masarap i-share.
Ang Bible verse nakakalimutang i-share.

Ang cellphone ipinapakita ang lifestyle ng tao.
Ang Bible nagpapabago ng lifestyle ng tao.

Ang cellphone mabilis maluma.
Ang Bible hindi naluluma.

Ang cellphone message kung minsan ay late.
Ang Bible laging on time ang message.

Ang cellphone kailangan mag-load para mag-message.
Ang Bible laging fully loaded ang message.

Ang cellphone ay mahalagang gamit ng tao,
pero ang Bible ay mas mahalaga kung gagamitin ng tao.

---oOo---

Na-receive ko ito sa aking e-mail. Since limited din lamang ang nasa address book ko, naisipan ko na lang na i-post ito rito, at least, maraming blogista ang makababasa - kahit nasa list ko o wala. Sana'y magising tayo sa mensaheng ito!

Tuesday, November 01, 2005

maling diskarte

ang daming missed calls at messages sa cellphone ko, lahat galing sa mga pinsan ko sa Quezon at iisa lang ang tanong nila, kung uuwi raw ba ako ngayong Undas. hayy, gustong-gusto ko pero hindi ko magawa. ngayon nga nasa trabaho ako kasama ng mga multo rito sa opisina - siyempre, bukod pa sa kanila ang mga katrabaho ko. tatlong taon nang ganito ang buhay ko at lubhang nakakabagot na. para na rin akong patay. hayy.
pero sa isang banda, puwede naman akong mawala ngayon kaso nga lang nagkamali ako ng diskarte noong kaarawan ko. dapat pumasok na lang ako nu'ng araw na 'yun at ngayon ko ginamit ang dalawang araw kong leave. hayy at hayy, 'yun na lang ang masasabi ko.
siguro mas tamang ilibing ko na rin ngayon ang mga hinanakit ko sa trabaho at sa personal kalakip ng dasal ngayong Araw ng mga Santo na patnubayan ako lagi sampu ng aking pamilya.
bukas, kasabay ng Araw ng mga Patay ko na lang ipagluluksa ang mga kaganapan na dapat kong naranasan sa aking buhay pero aking nakaligtaan.