Friday, February 24, 2006

batas militar?

Idineklara ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang STATE OF EMERGENCY makaraang kumalas ng suporta sa chain of command ang ilang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dumagsa ang mga tangke sa AFP at nagdagdag ng puwersang panseguridad sa Malacañang.
Sinupil din ng Pangulo ang lahat ng kilos-protesta kung kaya ang mga programa para sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng Edsa revolution ay nakansela - kahit na ang pagsasagawa ng misa sa People Power Monument na pangungunahan sana ni Bishop Yñiguez ay hindi rin pinahintulutan.
Ikinagalit ito ng iba't ibang grupo lalo na ang mga kritiko ng pamahalaang Arroyo. Binatikos ng grupo ni dating Vice President Teofisto Guingona, kasama ng grupong Bayan ang idineklarang state of emergency. Gayunman, mapayapa rin nilang nilisan ang Edsa Shrine makaraang makipaggirian sa kapulisan.
Unang nasampulan ng warrantless arrest sina Professor Randy David, Atty. Argee Guevarra ng Sanlakas at isa pa nilang kasama nang magtangkang tumulak ang grupo nila sa bahagi ng Edsa-Santolan.
Limitado na rin ang galaw ng media, ayon sa mamamahayag sa loob ng Palasyo. Hindi sila basta-basta nakakukuha ng impormasyon at hindi rin sila maaring magpalabuy-laboy sa loob ng Malacañang.
Nakatatakot ang naturang hakbang...indikasyon ba ito ng deklarasyon ng Batas Militar?
Huwag naman sana, dahil kung magkagayunman, mas mabuti pang natabunan na rin ako ng lupa sa Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte kaysa masupil ang aking KALAYAAN.

Friday, February 17, 2006

kalunus-lunos

Isa pang trahedya ang naganap ngayong Biyernes na kumitil sa buhay ng daang Pinoy sa St. Bernard, Southern Leyte. Hanggang ngayon, hindi pa naiaahon ang karamihan sa mga biktima na nabaon nang buhay dahil sa landslide.
Abala ang ilang pamilya sa kanilang pananghalian habang mayroon ding nagdiriwang ng kaarawan at may ginaganap na awarding ceremony ang samahan ng kababaihan sa nasabing lugar at mas nakalulungkot dito, maraming mag-aaral ang nasa eskuwelahan nang maganap ang trahedya at kasama sila sa natabunan ng lupa.

***
Gumanti na naman ang kalikasan, dahil maraming Pinoy ang matitigas ang ulo at tila hindi natuto sa nagdaang Ormoc tragedy noong 1991 kung saan libu-libong taga-Leyte rin ang nalibing nang buhay.

***
Tsk...tsk...tsk... talagang isang malaking sorpresa ang kamatayan!
Kaya dapat laging handa. Amen.

Thursday, February 16, 2006

kainis

hindi ko maitago ang galit ko
hindi napigil ang pagsulak ng dugo
hindi lang minsang ginawa sa akin ito
hindi ko na nga mabilang ang panggagago
bakit ba may mga taong ganito?
pasalamat siya mabait pa rin ako
na 'di pumapatol sa ipokrito
sagot ko na lang para sa'yo
hintayin mo ang karma mo!
(hay salamat! lumuwag na ang pakiramdam ko)

Saturday, February 04, 2006

trahedya ng masa

Isang napakalaking trahedya na dulot ng kahirapan ang naganap ngayong umaga. Ginulantang ang bansa ng balita hinggil sa pagkasawi ng mahigit sa 70 katao - karamiha'y matatanda at bata at mahigit sa 200 katao ang naipit matapos magkaroon ng stampede sa Ultra.

Bakit sila naroon? Ngayong Sabado ang unang anibersaryo ng Wowowee, isang noontime show sa Channel 2 na nagbibigay ng saya at suwerte sa mga Pilipino. Karamihan sa natutulungan ng nasabing show ang mga kababayan nating lubos na nangangailangan. Bukod sa mga sponsor ng naturang show na nagbibigay ng papremyo, tumutulong din ang ilan nating kababayang OFW na nanonood ng nasabing programa sa pamamagitan ng pag-aambag ng kanilang konting makakaya para maipandagdag sa premyong ipagkakaloob sa mga kontestant o maging sa mga simpleng manonood lamang.
Dahil sa forte ng naturang show, marami sa ating mga kababayan ang nagbabakasakaling suwertehin at dahil na rin sa kahirapan ng buhay kaya marami sa ating kababayan ang nagtitiyaga sa pagpila makapasok lamang o maging kabahagi sa nasabing programa.
Balitang mamimigay ng isang milyong piso ang Wowowee bukod pa ang mga minor prices na maaaring makuha ng mga kontestant at manonood bilang pasasalamat na rin sa pagtangkilik sa kanilang programa ngunit sa isang iglap, naglaho ang tuwa at suwerte dahil napalitan ito ng hinagpis.

Ano ang nangyari?
Ilan sa mga kababayan natin ay matamang naghintay sa labas ng Ultra. Mayroong Biyernes pa lamang ng gabi ay naroon na, lalo na yaong galing pa sa mga probinsiya.
Ayon sa ilang saksi, nagkagulo sa pila ang mga tao at nakipag-unahan ang ilan kaya nagkaroon ng tulakan hanggang sa maipit sa gate ng Philsports arena.
Ayon naman sa iba, mayroong sumigaw na may bomba kaya nag-panic ang mga nakapila.
Ang iba naman ay nagko-complain dahil sa proseso ng pagbibigay ng ticket habang isinisisi naman ng iba sa mga guwardiya na nagbabantay sa ultra dahil sa pagmamatigas na buksan ang gate.

Anu't ano man ang dahilan, nakalulungkot na trahedya ang naging resulta.

Marahil may pagkukulang ang organizer ng show, pero may responsibilidad din ang mga taong nagtungo roon. Karamihan sa mga ito'y matatanda o mga magulang na may bitbit pang mga bata, bagay na dapat iwasan, pero may mga taong matitigas ang ulo.
Pero ang mas mahalaga, huwag na tayong magsisihan dahil TRAHEDYA ang naganap at walang sinuman ang may kagustuhan nito. Kilala TAYONG mga Pinoy sa bayanihan at sana'y makita natin ito sa ganitong sitwasyon.
Magsilbi na lamang sanang aral sa lahat ang nangyari at mamulat na rin sana ang mga GANID na OPISYAL ng GOBYERNO na nagkakamal ng LIMPAK-LIMPAK na SALAPI samantalang nagkukumahog naman ang mga MARALITA para magkaroon ng KAUNTING PANTAWID GUTOM sa araw-araw.