Friday, December 30, 2005

bayani ng lahi


Ang HINDI marunong MAGMAHAL
sa SARILING WIKA
ay HIGIT pa ang amoy
sa MABAHONG ISDA.
- Gat. Jose Rizal

Tuesday, December 27, 2005

pagtatapos

parang kailan lang nang simulan ang Simbang Gabi, ngayon ilang araw nang lumipas ang Pasko at naghihintay na tayo sa nalalapit na pagtatapos ng taon.
parang kailan lang nagbibilang pa ako kung ilang buwan pa ang lilipas bago mag-Pasko, pero ngayon, ilang araw na ang lumipas matapos ito.
parang kailan lang nag-iisip pa ako ng ibibigay sa mga inaanak, kapamilya at malalapit na kaibigan, pero ngayon, marami pa yata akong nakalimutang bigyan.
parang kailan lang parang gusto ko nang matapos ang taon, pero ngayon, kagyat kong iniisip kung paano ko mapipigilan ang pag-inog ng mundo.
dungo pa ba ako sa panibagong bukas, sa kabila ng matagal kong pananatili sa karimlan?
o di kaya'y bulag at ayaw makita ang liwanag na ngayo'y aking kinasasadlakan?

Friday, December 16, 2005

panata

Sinimulan na ang tradisyunal na Simbang Gabi tanda na papalapit na araw ng Pasko. Bilang simula sa aking hangad na pagbabago, sinikap kong dumalo sa unang Misa de Gallo at sisikapin ding mabuo ito hanggang sa ika-siyam na araw – pagpatak ng mismong araw ng Pasko.
Medyo kakaiba nga lang tulad ng nakagawian ko na 4:00 ng madaling-araw ang misang aking dinadaluhan, dahil 8:00 ng gabi ito sinimulan sa Sto. Domingo Church. Dahil malapit din lamang sa opisina, dito na ako tumuloy at sana nga makumpleto ko ang panata.
Kung sumablay man siguro ako rito sa Sto. Domingo, puwede pa rin sa madaling-araw, dahil malapit lang naman ang bahay namin sa isang malaking simbahan sa Novaliches.
Ewan ko na lang ‘pag sumablay pa ako, talagang husto na ang katamaran ko kung gayon at parang nakakaawa na ang ispiritwalidad ko. Pero siyempre, pagbubutihin ko dahil ako ang nagnanais ng pagbabago. Wala man akong matanggap o maibigay na regalo sa sarili ko, malaking bagay na siguro na napag-ibayo ko ang pakikipag-ugnayan kay Lord. Sana nga tuluy-tuloy na ito para mas makabuluhan ang aking Pasko.

Tuesday, December 13, 2005

ang bagbabalik

Matagal din akong nawala at nagpahinga sa blogosphere kaya heto ako ngayon at nagbabalik.
Nakaka-miss pala ang blogging. Minsan, sinubukan kong buksan ang site ko at maglagay na ng panibagong post pero maraming balakid ang dumarating na sa tingin ko ay mas dapat bigyan ng aking atensiyon.
Nakakapagod ang dalawang linggo, bukod sa trabaho na kumokopo sa maghapon ko, mas nangailangan ng aking kalinga ang mag-ama ko. Pareho silang nagkasakit at sabay pa, hindi rin nagkakalayo ang kalagayan nila. Hindi biro ang sakit nila dahil nasa family history. As usual, laman kami ng ospital at siyempre 'pag nandiyan ka, gastos 'yan.
Dalawang beses na akong nag-half day, ilang beses na namang na-late. Nakakapanghinayang din sa kabilang banda ang makakaltas sa suweldo ko kaya kahit nagagalit na 'yung isa dahil hindi ako nagpapahinga, hindi ko na lang pinapansin.
Buti na lang malakas pa rin resistensiya ko. Hindi pa ako nagkakasakit at harinawa hindi nga mangyari ngayon. Kaya nga nagpapasalamat pa rin ako at hindi pa ako bumibigay. Magpa-Pasko pa naman.
Bukod dito, nakaaway ko pa isang friend ko. Mag-inarte ba naman, nakakainis! (Itanong mo ke Wendz) Aba, apat na gabi rin kaming 'di nagpapansinan kaya ang aga-aga niyang umuuwi, pikon kasi, hehehe. Uhm, hindi naman ako bad, hindi ko nga pinapatulan mga pasaring niya e, kasi alam ko na ugali niya, hehehe.
Sa kabila naman ng lahat, naayos ko rin ang gusot, tinambangan ko siya sa banyo, inginudngod sa bowl hehehe, joke lang. Kinausap ko siya, hindi na ko nakatiis sa kaartehan niya kaya ayun, okei na kami at sabay-sabay na naman umuwi.
Malungkot yata ang pasok ng Disyembre, magpa-Pasko pa naman kaya kailangan sikaping maging masaya at maayos ang lahat anuman ang mangyari.