Nawiwili ako ngayon sa panonood ng mini-series na
Daejanggeum (The Great Jang Geum) o mas kilalang
Jewel in the Palace dito sa atin. Nagustuhan ko ang pangunahing sangkap ng istorya na may kinalaman sa kababaihan – women power ba. Siyempre, palabok na lamang dito ang anggulo ng pag-ibig at mga pagsubok sa buhay.
Isang true to life story ang
Jewel in the Palace na halaw mula sa buhay ni Jang Geum ang kauna-unahang babae sa
Korea na naging head physician ng Hari ng
Joseon Dynasty.
Isasama ko na rin sa dahilan ko ng panonood ang napakagandang setting kung saan tampok ang ilang makasaysayang lugar at tourist spots sa Korea.
Na-curious tuloy ako sa history ng Korea dahil nu’ng high school ang mga dinastiya sa Tsina lamang ang napag-aralan namin.
Nagustuhan ko rin ang gumanap bilang batang Jang Geum, ang kulit niya at nakakawili ang kanyang facial expressions – buti na lamang at akma rin sa kanya ang boses kung sino man ang gumanap na dubber. Gusto ko nga hindi na lang siya lumaki o kaya mas pinalawig pa sa serye ang pakikipagsapalaran ng batang Jang Geum, pero siyempre hindi naman ako ang writer, eh (hehehe).
Hindi ko naman iniitsepuwera ang mga lokal teleserye ng Pinoy – tulad ng
Darna at
Panday na talaga namang nakatatak na sa isip ng masa – kaso nasanay na lang ako sa walang patumanggang pasakit na dinaranas ng bida at ang wala ring kamatayang kontrabida - kesehodang mahulog na sa gusali, barilin nang ilang ulit, masagasaan ng trak, pero buhay pa rin (hehehe).
Kailangan din naman ng manonood ng ibang timplada, nandu’n na ang mga aral sa buhay, pero ‘yun bang tipong nakadaragdag din naman ng kaalaman sa mga manonood lalo na’t may mga kabataan ding nakatutok.
Bakit hindi kaya subukang gawing teleserye ang buhay ni
Jose Rizal o ni
Andres Bonifacio? Ilan lamang sila sa mga bayani natin na sa paaralan na lamang binubuhay, dahil kasama na silang nilalamon ng makabagong teknolohiya. Natural, may mga anggulo pa ng kanilang buhay na hindi alam ng lahat ng Pinoy na maaaring bigyang kulay sa teleserye.
Katulad ni Jang Geum, tiyak ko na marami ring mapupukaw na mapanood at malaman ang makulay na buhay nina Rizal at Bonifacio, magagaling yata at malikhain ang mga manunulat na Pinoy ngayon.
Opinyon ko lamang naman ito bilang isang manonood, masyado na kasing
dominado ang telebisyon at radyo ng dayuhang kultura at ito na lamang ang nakahihiligang tangkilikin ng nakararaming Pinoy, partikular na ng mga
kabataan na siyang dapat nating
alalayan dahil sila ang
huhulma ng lahing Pilipino sa hinaharap.